P50 cancellation fee ng Grab, iimbestigahan ng LTFRB

Bubusisiin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ipinatutupad na P50 penalty ng Grab para sa mga pasaherong nagkakansel ng kanilang biyahe.

Sinabi ni LTFRB chair Martin Delgra na ipinabatid na ito sa kanila ng Grab subalit walang kompletong detalye kung bakit sila naniningil ng cancellation fee. Bukod dito, rerebisahin din ng board ang bagong fare policy ng kompanya.

Ipinaalam ni Grab President Brian Cu ang pagpataw nila ng cancellation fee upang makalikha ng mas magandang ride-hailing ecosystem kung saan kapwa magiging responsableng gumamit ng kanilang platform ang mga pasahero at drayber.

Sa ilalim ng bagong polisiya, kung kinansel ng isang GrabCar passenger 5 minuto makaraang makakuha ng drayber o nabigong magpakita sa kanilang tagpuan limang minuto pagkatapos dumating ng drayber, papatawan ang pasahero ng P50.

Sisingilin ang multa sa susunod na nagbayad ng cash ang pasahero.

Maaari ring masuspinde ang account ng pasahero ng 24 oras kung nagkansela sila ng dalawang beses sa loob lamang ng isang oras, tatlo sa isang araw o limang ulit sa isang linggo.

Hindi naman gagana ang multa kung nagkansela ang drayber sa loob ng 5 minuto, kung hindi dumating ang drayber sa pickup point o kung nahuli sila ng 15 minuto o higit pa sa inaasahang oras ng pagdating.

Mare-refund naman ang mga maling cancellation fee sa loob ng 48 oras.

Hindi rin makakagamit ng kanilang platform ang mga drayber na bigla na lamang nagkakansela ng passenger bookings o namimili kung saan ang biyahe kung lumabis sila sa pagbalewala o kansela ng requests.

Tatanggap naman ang mga pasahero ng 30 reward points bilang konsuelo de bobo.