Lipat-pagmamay-ari ng Mislatel sa Dennis Uy consortium, OK na

Inaprubahan ng Senado ang paglilipat ng pagmama-ari ng Mindanao Islamic Telephone Company (Mislatel Company) tungo sa Mislatel consortium na pinangungunahan ng mga kompanya ng negosyanteng tubong Davao City na si Dennis Uy at ng China state-owned China Telecom.

Kinatigan ng Senado ang House Concurrent Resolution No. 23 para sa pagbebenta ng controlling interest ng Mislatel sa Udenna Corporation, Chelsea Holdings Corp. at China Telecommunications. Corp.

Nabatid na may 35% shares ang Udenna, 25% ang Chelsea at 40% ang China Telecom sa consortium habang ang Mislatel ang franchise holder.

Magsisilbi itong go-signal para ipagpatuloy ng Mislatel consortium ang operasyon bilang provisional third telecommunications (telco) player.

Bumoto kontra sa pag-apruba ng resolusyon sina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Sen. Risa Hontiveros at Sen. Panfilo Lacson.

Sinabi ni Sen. Grace Poe, chairman ng Senate committee on public services, na nagsagawa ng apat na pagdinig sa isyu, na hindi pa matatawag na bagong major telco ang Mislatel consortium dahil malaya ang sinuman na kuwestiyunin sa korte ang prangkisa nito.

“We took out anything that  pertains to calling Mislaterl a new major player or third telco. We’re treating it as a regular franchise because later on, someone might go to the court and say Congresss recognized Mislatel as the third telco,” ani Poe.

“Inendorso ko ang resolusyon dahil desperado ang publiko na magkaroon ng ikatlong telco na nangangako ng mura at mabuting serbisyo,” dagdag ni Poe.

Matatandaang nakuwestiyon ng ilang senador ang bisa ng prangkisa ng Mislatel dahil hindi ito kailanman nagbukas ng operasyon mula nang mabigyan ng prangkisa ng Kongreso noong 1998.

Pagpayag ng Kamara sa lipat-pag-aari ng Mislatel, inendorso ni Sen. Grace Poe

Kinatigan ng Senate committee on public services sa pamumuno ni Senadora Grace Poe ang pag-aproba ng Kamara ng mga Representante sa paglilipat na pagmamay-ari ng

Mindanao Islamic Telephone Company Inc. (Mislatel) sa mga kapartner nito sa Mislatel Consortium.

Ang consortium na pinamumunuan ng negosyanteng si Dennis Uy ng Udenna Corporation, ang napili ng National Telecommunications Commission (NTC) bilang provisional na ikatlong telecommunications (telco)  player sa bansa noong nakaraang Nobyembre 7.

Inendorso ni Poe nitong Lunes ang pag-aproba ng plenaryo ng Kamara sa House Concurrent Resolution No. 23 na nagpapahintulot sa paglilipat ng majority shares ng Mislatel sa consortium.

Nilinaw ni Poe na may 90 araw ang consortium upang tumupad sa post-qualification requirement, kabilang ang pagpapasok ng puhunan sa Mislatel na may hawak ng prangkisa ng Kongreso.

“As necessitated by Mislatel’s franchise granted under Republic Act 8627, the Congress needs to approve the ‘transfer, sale, or assignment of the controlling interest of Mindanao Islamic Telephone Company Inc. due to the capital infusion of the Mislatel Group into Mislatel itself,” sabi ni Poe sa kanyang sponsorship speech.

“As regards the ‘red flags’ and ‘allegations of violations’ against Mislatel, interested parties are never precluded to avail of legal remedies in the regular courts. As a matter of fact, the Congress is not even precluded to alter, modify, or repeal the franchise granted to Mislatel under RA 8627,” paglilinaw ni Poe.

Idinagdag ni Poe na malulugi ang consortium ng mahigit P25 bilyon kung mabibigo ito sa pananagutan nito.

“If Mislatel fails to deliver on their promises, they are going to lose their bond, they will also lose a big chunk of their capital expenditure,” dagdag ni Poe.

Bahala na ang Kongreso – DICT

Umaasa ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na reresolbahin nang patas sa Kongreso ang isyu hinggil sa balidad ng prangkisa ng pangatlong telecommunications player sa bansa.

Sa pahayag ng DICT, pinananatili ng kagawaran ang kanilang layuning maging transparent at legal na proseso para sa pagpasok ng bagong pangunahing player sa public telecommunications market.

“The DICT is trusting the wisdom of the Congress to decide on the validity of Mislatel’s franchise. We are confident that our representatives from both Houses would keep the public interest in mind in resolving the matter,” ayon sa opisyal na kalatas ng ahensiya noong Sabado.

Naungkat ang balidad ng prangkisa ng Mindanao Islamic Telephone Co. Inc. (Mislatel) sa ginawang hearing ng Senate committee on public service noong Huwebes.

Kinuwestiyon ni Senadora Grace Poe, chair ng nasabing komite, kung bakit hindi agad nakita ng National Telecommunications Commission (NTC) ang isyu ng balidad sa prangkisa ng Mislatel.

Sinabi naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na nilabag ng Mislatel ang kondisyon ng kanilang pribilehiyo sa kabiguan nitong mag-operasyon makalipas ang isang taon nang makuha ang congressional approval ng kanilang prangkisa noong 1998.

“The department is ready to accept the decision of the Congress on the issue of the new major player and act accordingly to make sure that the Filipinos get a third player that they deserve, may it be Mislatel or another,” dagdag pa ng DICT.

Samantala, nangako naman ang Mislatel consortium na kokompletuhin ang kanilang post-qualification requirements upang makuha ang kanilang certificate of public convenience and necessity (CPCN).

Binigyan sila hanggang Pebrero 17 para mapadalhan ang NTC ng kopya ng kanilang business plan, authentication/consularization ng mga foreign document at roll out plan.

“Despite legal and technical hurdles, the DICT remains optimistic that it will soon deliver its promise of a competitive telecommunications industry to the public,” sabi pa ng ahensiya.

Binubuo ang Mislatel consortium ng Udenna Corp. at Chelsea Logistics Holdings Corp. na pawang pag-aari ng Davao tycoon na si Dennis Uy, kilalang malapit na kaibigan ni Pangulong Rodirigo Duterte, at ang state-owned China Telecom.

Idineklara ng DICT ang Mislatel bilang provisional major player sa telecommunications industry noong Nobyembre 7 ng nakaraang taon. Gayunman, kuwestiyonable ang naging desisyon ng ahensiya nang ibasura ang petisyon ng mga natalong bidder na PT&T at Sears Telecom na pag-aari naman ni dating Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson.