Negosyong Intsik na hindi tumatanggap ng Pinoy, isara – Lacson

Hinimok ni Senador Panfilo Lacson ang gobyerno na isara ang mga restoran at iba pang establisimyentong tanging mga Chinese lamang ang pinapapasok o pinagsisilbihan sa ating sariling bayan.

Nanawagan din si Lacson sa Department of Trade and Industry (DTI), lokal na pamahalaan at iba pang mga ahensiya para gamitin ng mga ito ang kanilang awtoridad at huwag papasukin ang mga mamumuhunang Intsik sa mga small- and medium-sized enterprises (SMEs).

“We should prioritize Filipino entrepreneurs,” pahayag ni Lacson sa panayam sa radyo. “If investors coming from China would do business even in SMEs, that will be alarming because many of our countrymen will be deprived of investment opportunities.”.

Idinagdag pa ng senador na hindi masama kung papasok ang mga negosyanteng Intsik na magdadala ng bilyon-bilyong puhunan sa bansa dahil makatutulong ito sa ating ekonomiya ngunit nakapag-aalala na kung papasukin pa rin ng mga dayuhan ang maliliit na negosyo.

“What’s worrisome is if the Chinese investors would … compete in running variety stores, restaurants and merchandising, which only require small investment money,” ani Lacson.

Ginawa ng senador ang pahayag matapos batikosin ng mga netizen sa social media ang isang restorang China Food City sa Alabang, Muntinlupa City ang nagbabawal sa mga Filipino na pumasok sa loob ng compound dahil tanging mga Intsik na empleado lamang na nagtatrabaho sa katabing online gaming companies ang kanilang pinagsisilbihan.

May mga ulat pang ilang convenience stores na pag-aari ng mga Intsik sa lungsod ng Makati at Pasay ang hindi tumatanggap ng mga kustomer na Filipino.

Noong Abril, nagreklamo ang mga residente ng Boracay sa biglaang pagdami ng mga restorang Intsik sa main road ng pamosong resort island.

Walang menu na nakasulat sa Ingles o Filipino ang mga restoran at nakasulat lang sa Chinese. Bukod pa rito, pawang mga Intsik ang kanilang mga cook, cashier, waiters, laborers at drivers at tanging mga kapwa lamang nilang Intsik ang pinagsisilbihan.

“Try to go to China and put up a store that sells goods without Chinese [markings] and [are] exclusive[ly] for Filipinos. You will be deported [the next day],” kuwento ni Lacson.

Dapat aniyang magtulongan ang DTI, Department of Labor and Employment at Bureau of Immigration para magbuo ng task force upang malaman kung saan gumagawa ng negosyo ang mga dayuhang Intsik.

“They must closely scrutinize what kinds of investments are being brought here. I think they should discourage if the investment would deprive our countrymen the chance to make their lives better by having their own small business,” anang senador.