IN PHOTOS:

HINDI magkamayaw ang mga taga-Bayambang, Pangasinan na gustong makamayan si Sen. Grace Poe nang muling magkampanya sa nasabing lalawigan ang senadora. Tubong Pangasinan ang ama ni Sen. Poe na si Fernando Poe Jr. o FPJ  kaya naniniwala siyang tatangkilikin ng mga mamamamyan ng nasabing lalawigan.
Lugar para sa mga attachment

Norte, lalong naging solido kay Sen. Grace Poe

Sa pangangampanya sa mga lalawigan ng Cagayan at Isabela, sinalubong si Sen. Grace Poe ng matibay na espiritu ng mga Pilipino na hindi kayang igupo ng bagyo, tagtuyot at maging ng lindol na yumanig sa Gitnang Luzon.

Sa Isabela, makikita natin na walang bagyo o tagtuyot na kayang gumapi sa ispiritu ng Pilipino. Kung pagtitiwalaan ninyo akong muli, maaasahan ninyong kasama ninyo ako sa pagsusulong ng mga proyektong makatutulong sa mga kababayan nating Isabelano,” sabi ni Poe sa kanyang Facebook account.

Nauna rito sa Cagayan, dinumog ang senadora ng kanyang mga tagasuporta na nagsidagsa sa kanyang paglilibot sa nasabing lalawigan, partikular sa kabiserang Tuguegarao City.

“Mainit man ang panahon at nililindol tayo, pero matatag ang pundasyon ng hangarin nating maglingkod sa inyo.

Salamat, Tuguegarao!” dagdag ni Poe.   

Maglalagare si Poe ngayong Huwebes, Abril 25, sa Ilocos Sur at Norte na kabilang pa rin sa tinatawag na Solid North o balwarte ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Ang Isabela ay mayroong mahigit 911,000 botante, habang ang Cagayan ay mayroon namang mahigit 647,000 botante.

Ang Ilocos Region naman ay may 3.3 mil­yong botante at kung isasama pa ang Pangasinan na may mahigit 1,900,000 registered voters ay mahigit limang milyong boto ang makokopo ni Poe sa rehiyon.

Nauna nang sinabi ni Poe na kahit nangu­nguna siya sa mga survey ay hindi siya magiging kampante dahil patuloy siyang mag-iikot sa iba’t ibang panig ng bansa hanggang sa Mayo 11, o dalawang araw bago ang halalan.

Grace Poe sa mga supporter: ‘Di ko kayo bibiguin

Tiniyak ni Sen. Grace Poe na hindi niya bibiguin ang mga taong nagtitiwala sa kanya.

Sinabi ito ni Poe matapos manguna sa Pulse Asia survey noong Marso kung saan pito sa bawat 10 Pinoy ang nagsabing iboboto siya ngayong May 13 midterm elections.

Ayon kay Poe, nakakataba ng puso ang ibi­nibigay na suporta ng mamamayan kaya’t na­ngangako siyang hindi sasayangin ang ibinigay na tiwala sa kanya.

“Patuloy tayong magsisikap para ‘wag silang mabigo,” diin ni Poe.

Magpapahinga muna si Poe sa kampanya nga­yong Semana Santa upang lumahok sa Visita Iglesia na siyang naging tradisyon na sa kanyang pamilya.

Pagkatapos na ng Holy Week babalik sa campaign mode si Poe dahil ayaw niyang maging kampante kahit na number 1 siya sa mga naglalabasang survey.

Grace Poe, lagare sa kampanya kahit No. 1

Tuloy ang pukpukang kampanya ni Senadora Grace Poe kahit hindi ito matibag sa number one spot ng mga pre-election survey.

Sinabi ni Poe na marami pa siyang lugar na kailangang suyurin sa nalalabing isang buwan ng kampanya bago ang May 13 midterm elections.

“‘Yung mga gusto kong puntahan sa kampanya na ‘to marami pang lugar, sa Mindanao, sa Visayas at mga liblib na lugar sa Luzon,” ayon sa senadora.

Ani Poe, magpapahinga lamang siya sa panahon ng Semana Santa upang sumama sa tradisyunal na ginagawa ng kanilang pamilya na Visita Iglesia.

“Dito lang sa bahay kasama ng pamilya ko, ‘yung traditional na ginagawa namin, Visita Iglesia; pero hindi ako makakabakasyon hangga’t hindi matapos ang kampanya,” dagdag ni Poe.

Sa March 2019 survey ng Pulse Asia, nama­yagpag si Poe sa number one spot at malaki ang lamang sa pumapangalawang kandidato.

“Ang survey naman paiba-iba ‘yan. So sa tingin ko ang edge na lang natin kung anuman ang nagawa natin sa Senado. At hindi ko ipagkakaila, siyempre si FPJ pa rin. ‘Yung ang naaalala ng mga tao lalo na ang mga nasa probinsiya; very sentimental ang mga tao roon,” paliwanag pa ni Poe.

Kabayanihan ng karaniwang Pinoy, pinuri ni Grace Poe

Pinuri ni Sen. Grace Poe ang pang-araw-araw na kabayanihan ng lahat ng Pilipino kaugnay ng pagdiriwang ng “Araw ng Kagitingan” kahapon sa pangangampanya sa lalawigan ng Rizal.

Kasama ang kanyang anak na si Brian Poe Llamanzares, reelectionist Cainta Mayor Kit Nieto at running mate nitong si Ace Sevillon, pumarada sila Poe sa bayan na tumanyag sa paglaban sa okupasyon ng mga dayuhan.

“Sa ating mga kababayan na nagsasakripisyo, hindi lang para sa pamilya kundi para sa bayan—iyong mga nagsisilbi, iyong ating sundalo, pulisya, OFWs, mga empleyado na araw-araw nagsisikap—ito ay para sa inyo, at ako naman po bilang tagapaglingkod ninyo nais ko talagang bigyan ng pagkilala ang inyong sakripisyo,” sabi ni Poe sa panayam ng mga reporter matapos ang motorcade sa paligid ng Cainta.

Sa Marick Subdivision, nilapitan ni Poe ang isang grupo ng lalaki at babae na naka-wheelchair at nagpakuha ng litrato.

Nangampanya na si Poe sa iba’t ibang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao pero iginiit ng senadora na gustong-gusto niyang nakakausap ang mga tao para mabatid ang kanilang karaingan at opinyon sa pamumuhay.

 “Masaya na nakakapagod pero talagang kailangan kayod talaga kasi siyempre napakalaki ng Pilipinas para abutin mo lahat ‘yan at maraming kandidato na lahat nagsisipag,” sabi ni Poe sabay pag-amin na malaki ang nagawa ng kanyang amang si Fernando Poe Jr. sa magaang na pangangampanya.

“Sa tingin ko, iyong edge na lang natin ay kung anuman ang nagawa natin sa Senado. Hindi ko ipagkakaila, siyempre si FPJ pa rin, iyon ang naaalala ng mga tao, lalo na sa probinsiya, very sentimental ang mga tao doon,” ani Poe na tatangkaing malibot ang mas maraming lugar sa mga susunod na linggo.  “Syempre nakikita ka sa TV, pero iba pa rin iyong nakikita ka nang personal.”

Sharon todo-suporta kay Poe

Isinapubliko ng sikat na singer, aktres at Megastar Sharon Cuneta ang kanyang pagsuporta kay Senadora Grace Poe na lumalaban para sa reeleksiyon sa nalalapit na May 2019 midterm elections.

Nag-post si Cuneta sa kanyang Instagram ng imahe ni Poe na may caption na nagpapadama ng kanyang matatag na pagsuporta sa senatorial candidate.

“Sen. Grace Poe has my full support and my heart. May God bless you, Senator!” sabi ni Cuneta sa kanyang post.

Sumagot naman agad si Poe sa pag-endorso sa kanya ng sikat na artista at pinasalamatan ang natatanging Megastar.

“Maraming salamat sa pagtitiwala at pagmamahal ng nag-iisang Megastar, Ms. Sharon Cuneta,” sagot ni Poe.

Humingi rin ng pabor si Cuneta at tinanong ang senadora kung may campaign materials ito na balak niyang ipamahagi sa kanyang mga “Sharonians.”

“Sen. Baka you can send me some shirts/campaign materials. I am sure lots of Sharonians would love to have some too,” ani Cuneta.

“Will [send you my address on direct message] or Kiko [Pangilinan] can give to you too. Love you and my Mama Swanie. Hope to see you soon!” dagdag pa ng aktres.

Noong 2016, hindi inendorso ni Cuneta si Poe sa presidential election dahil nahati aniya ang kanyang kalooban sa batang senadora at kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Kinokonsidera naman ni Cuneta na kaibigan ang dalawang kandidato.

Grace Poe, nanawagan para sa mga magsasaka

Tuloy ang kampanya ni independent candidate Sen. Grace Poe na bumisita sa mga lungsod ng San Jose at Gapan sa Nueva Ecija nitong Miyerkoles, Abril 3.

Mainit ang naging pagtanggap ng Novo Ecijanos kay Poe na dumalo sa isang forum sa Pag-asa gym sa San Jose bago mag-motorcade sa Gapan.

Sa isang panayam, iginiit ng senadora na dapat ma­bigyan ng ayuda ang mga magsasaka at mangingisda lalo na’t nararanasan ang El Niño sa iba’t ibang parte ng bansa.

Tungkol naman sa napabalitang pagtataboy ng mga mangingisda sa Panatag Shoal, sinabi ni Poe na dapat tulungan ng gobyerno at manaig ang karapatan ng mga Pilipino para makapangisda.

Kabilang ang Nueva Ecija sa top 10 na pinakamaraming botante sa bansa na may 1.46 milyong registered voters.

Samantala, nagtungo rin ang reelectionist senator sa katabing probinsiya ng Tarlac.

Sa bayan ng Victoria, sinuyo ni Poe ang mga residente at ilang lokal na opisyal kung saan ipinaalam niya ang kanyang mga naipasang batas tulad ng libreng feeding program sa mga pampublikong paaralan.

Ayon kay Poe, kapag nabigyan ng pagkakataong mahalal, isusulong niya naman na magkaroon ng universal pension ang senior citizens lalo na sa mga indigent at pagkakaroon ng Philippine Geriatric Center para magkaroon ng pampublikong ospital para sa mga nakatatanda.