Nag-upload ng ‘Bikoy’ videos, arestado ng NBI

Kinumpirma nitong Huwebes ng Department of Justice (DOJ) ang pagkakaaresto ng mga awtoridad sa indibidwal na hinihinalang nag-upload ng anonymous videos ng isang alyas “Bikoy” na tumukoy sa mga Duterte na sangkot sa ilegal na droga.

“It was the person who uploaded the video who was arrested for cybercrime, specifically cyberlibel,” pahayag ni Justice Undersecretary Mark Perete, DOJ spokesperson, sa mga mamamahayag.

Wala namang detalye ng pagkakaaresto ang isinapubliko sa ngayon habang naghihintay ang DOJ sa report ng National Bureau of Investigation (NBI).

Mahalaga ang ginagampanan ni “Bikoy” sa tinatawag na ouster plot “matrix” na inilabas ng Malacañang at nag-uugnay sa tatlong news organization at National Union of Peoples’ Lawyers na naglalayong patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte. Gayunman, sinabi ng pulisya at militar na wala silang namonitor ng anumang banta para mawala sa poder ang Pangulo.

Mariin namang itinanggi ng mga mamamahayag at ng NUPL ang alegasyon at sinabi pang nilikha ng  mismong Pangulo ang sinasabing matrix na maraming kamalian.

Noong Miyerkules, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi na kinakailangan pang patunayan ang katotohanan ng matrix.

“The matrix shows that there is an ouster plot. It is just a plot, a plan, an idea,” ani Panelo.