Poe, Numero Uno sa Veritas Truth Survey

Pinatunayan ni Senadora Grace Poe ang kanyang katapatan sa paglilingkod sa bayan kaya naman siya ang nanguna sa isinagawang Veritas Truth Survey mula Pebrero hanggang Marso para sa darating na halalan sa Mayo 13.

Ayon sa survey na kinapanayam ang mga botanteng Katoliko mula sa iba’t ibang parokya sa buong bansa, nakamit ni Poe ang number one slot para pangunahan ang lahat ng mga kandidato sa pagka-Senador sa nalalapit na midterm elections.

 

“Nagpapasalamat tayo sa ating mga kababayan na number one tayo sa trust rating ng mga tumatakbo sa Senado. Ang inyong pagtitiwala ay sinusuklian natin ng tapat at mahusay na paglilingkod,” pahayag ni Poe habang bumisita nitong Miyerkules sa Cotabato para sa ika-5 anibersaryo ng Comprehensive Agreement on the BangsaMoro.

 

“Tinitiyak natin sa ating mga kababayan dito ang ating suporta sa mga polisiya at programang magsusulong ng pangmatagalang kapayapaan at kaayusan sa Mindanao,” dagdag pa ng batang Senadora.

 

Sinundan si Poe ng mga kapwa reeleksiyonistang sina Senador Sonny Angara at Cynthia Villar para okupahan ang pangalawa at pangatlong puwesto. Habang nasa ikaapat na posisyon ang nagbabalik sa Senador na si Pia Cayetano, pumanglima naman ang doktor na si Willie Ong.

 

Para kumpletohin ang magic 12 senatorial slate, kabilang sina dating PNP chief Ronald “Bato” Dela Rosa (6th), Senadora Nancy Binay (7th), Senador Paulo “Bam” Aquino (8th), dating Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go (9th), dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares (10th), dating Senate President Aquilino “Koko” Pimentle III at Francis Tolentino (12th).

 

Ginamit ng Veritas Truth Survey ang mga datos mula sa 1,200 stratified respondents mula sa 86 na Arkidiyosesis at Diyosesis ng Simbahang Katolika sa buong kapuluan na may +/-3% margin of error.

Refund sa consumers, iginiit ni Sen. Grace Poe

Inirekomenda ni Senadora Grace Poe na magkaroon ng refund para mga konsumer at kompensasyon sa local government units na nakararanas ng water crisis sa Metro Manila.

“Hindi puwedeng walang kompensasyon dahil kinunsumi at inabala ang mga tao. Pansamantala, dapat tulungan ang mga barangay na wala pa ring tubig sa pamamagitan ng mas madalas na pagdadala ng water tanks,” ayon kay Poe na tagapangulo ng Senate Commitee on Public Services.

“Walang pinipili ang krisis na ito. Lahat tayo natamaan, hindi lamang sa iisang sektor. This water shortage should be solved at all costs,” diin ni Poe matapos ang public hearing kaugnay sa water shortage.

“In the meantime, ang puwedeng gawin ng Manila Water ay tulungan ang mga barangay na hanggang ngayon ay wala pa ring tubig at dalas-dalasan nila ang pagdala ng water tanks,” ani Poe.

Nauna rito, sinisi ni Poe ang Metropolitan Waterworks and Sewe­r­age System (MWSS) sa nararanasang krisis sa tubig sa ilang bahagi ng Metro Manila at karatig na probinsiya ng Rizal dahil sobrang dami ng mga abogadong nagpapatakbo sa ahensiya kaysa mga inhinyero na mas may kaalaman sa mga problemang teknikal.

“Sobra sila sa abogado wala silang inhinyero,” pahayag ni Poe na iginiit na dapat isailalim sa reorganization ang MWSS para mapalitan ang mga miyembro ng ahensiya.

“Malaki ang naging pagkukulang ng Manila Water pero sa tingin ko mas malaki ang pagkukulang ng MWSS,” sabi ni Poe.

Idiniin ni Poe na mas kailangan ng MWSS ang mga inhinyero sapagkat hindi natukoy agad ng MWSS ang problema sa water shortage dahil hindi naman naiintindihan ng mga abogado ang mga problemang teknikal.

“Hindi tulad ng mga inhinyero na may teknikal na kaalaman sa water system, ang mga abogado, ay puro legal framework lamang ang nalalaman,” ani Poe. “Ako sa tingin ko dapat palitan na sila e. The most important thing is the composition has to be according to how that law was actually intended.”

Ayon kay Poe, wala sanang water crisis kung napalitan ang mga may tagas na tubo na milyun-milyong cubic meters ng tubig ang nasasayang kada araw.

“Dapat talaga mayroong engineer doon, a technical expert who understands the situation, because if they’re all lawyers, wala silang gagawin kundi puro mga legal na mga bagay lang pero hindi ‘yung mga technical na makakaapekto sa daloy ng tubig,” dagdag ni Poe.

Poe, angat na naman sa Pulse Asia survey

Muli na namang ipinakita ng sambayanang Filipino ang mataas nilang paniniwala sa reeleksiyonistang si Senadora Grace Poe para manguna sa pinakahuling Pulse Asia survey.

Sa inilabas na datos nitong Lunes, lumitaw sa isinagawang sarbey ng Pulse Asia noong Pebrero 24 hanggang 28 na kung ngayon na gagawin ang halalan, si Poe ang pinili ng 67.5 percent ng kabuuang 1,800 respondents.

 

Pumangalawa sa kanya ang kapwa reeleksiyonistang si Senadora Cynthia Villar na may 61 percent habang nasa pangatlong puwesto na si dating Special Assistant to the President Christian “Bong” Go na may 53 percent at Senador Sonny Angara na may 52.2 percent para okupahan ang ikaapat na posisyon.

 

Ginamit ng Pulse Asia ang face-to-face interviews sa mga respondent at may ± 2.3 percent error margin mula sa 95 percent confidence level.

 

Ayon sa Pulse Asia, halos dati nang mga mambabatas ang nakabilang sa kanilang talaan ng mga magwawagi sa halalan sa Mayo 13.

Mula sa kabuuang 62 kandidato, sinabi ng Pulse Asia na 14 ang may statistical chance na mapabilang sa 12 mananalo sa eleksiyon.

Kabilang na rin dito sina dating Senador Lito Lapid, 49 percent; Taguig City Representative Pia Cayetano, 47 percent; dating Philippine National Police chief Ronald dela Rosa, 44.6 percent; Senador Nancy Binay, 40.5 percent at dating Senador Mar Roxas, 39.8 percent.

Para mabuo ang sinasabing 14 na senador, kasama rito sina dating Senador Ramon Bong Revilla, Jr., 36.8 percent; Ilocos Norte Governor Imee Marcos, 36 percent; Senador Aquilino Pimentel III, 35.6 percent; dating Senador Jinggoy Estrada, 33.9 percent at dating Presidential Adviser on Political Affairs Francis Tolentino, 32.1 percent.

Ipinakita rin ng sarbey na 37 percent ng mga botante ang mayroon ng 12 senatorial candidates na naglalaro sa kanilang isipan dalawang buwan pa man bago maganap ang eleksiyon.

Idinagdag pa ng Pulse Asia na 1 percent ng mga respondent ang hindi nagpamalas ng pagsuporta sa sinumang kandidato para Senador.

OJT dapat suwelduhan – Grace Poe

Isusulong ni Senador Grace Poe ang pagbibigay ng sahod o mini­mum wage sa mga estudyante na nasa on-the-job training (OJT) sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan.

Sinabi ni Poe, chairperson ng Senate committee on public servi­ces, na nakapaloob ang OJT salary sa panukalang ihahain niya na magtatakda ng internship program para sa lahat ng mga tanggapan ng gobyerno.

Ayon kay Poe, dapat na suwelduhan ang mga estudyante kahit na nag-aaral pa lamang dahil tumutulong na sila sa kompanya o tanggapan ng pamahalaan habang pinahuhusay ang kanilang kakayahan.

Base sa ­Department of Labor and Employment (DOLE), idiniin ni Poe na noong 2018 ay umabot sa 75.2% o 1.73 ­milyon ang mga walang ­trabaho na nasa edad 15 hanggang 34-anyos.

Tiwala si Poe na ang ihahain niyang panukala ay tutugon sa ma­laking bilang ng mga walang trabaho mula sa hanay ng kabataan

KAMPO NI GO, NAG-RELEASE NG PEKENG SURVEY RESULT

SWS nagbabala sa fake survey

Pinaalalahanan ng Social Weather Stations (SWS) ang publiko na mag-ingat sa mga lumalabas na pekeng SWS surveys lalo na nga at nalalapit na ang halalan sa Mayo.

“[SWS] again reminds the public that false reportage about SWS surveys is very common in the period leading up to an election,” ayon sa mensahe ng SWS sa kanilang official website, 10:38 ng gabi nitong Marso 7.

“Everyone is enjoined to rely only on the SWS website (www.sws.org.ph) for its advisories, announcements, and survey reports released to the public,” dagdag pa nito.

Ginawa ng SWS ang paalala sa publiko matapos lumabas ang sinasabing SWS survey na isinagawa noong Pebrero 25 hanggang 28.

Nang kapanayamin ng MindaNews, sinabi ni SWS President Mahar Mangahas na hindi sa kanila ang lumabas na survey at tanging sa opisyal na website lamang sila naglalabas ng kanilang mga isinagawang survey.

“It is unethical for you to use anything that is not on our website…Do not gratify propagandists who cannot back up their claims. Ask whoever released it to justify the release; whoever publishes something is legally bound to conform to Comelec full-disclosure rules on election survey publication,” sagot ni Mangahas nang kapanayamin ng Mindanews.

Binigyang diin tuloy ng SWS na marami talagang isinasagawang survey ang iba’t ibang grupo patungong halalan sa Mayo 13 na karamihan tuloy dito ang hindi legitimate ang operasyon.

Base sa pekeng SWS survey result, nanatiling nangunguna si Senadora Grace Poe na normal naman talagang nangunguna hindi lang sa SWS survey kundi maging sa Pulse Asia at sa higanteng RMN Stations Election Survey 2019.

At ayon pa rin sa pekeng SWS survey bagamat nanatiling nasa pangalawang puwesto ang isa pang reeleksiyonistang si Senadora Cynthia Villar, kapansin-pansin na inokupahan na ni dating Special Assistant to the President Bong Go ang pangatlong spot.

Batay naman sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism noong nakaraang buwan, si Go ang may pinakamalaking ginastos para sa pre-election campaign advertisements mula Enero 2018 hanggang Enero 2019.

Sa kabuuang 61 kandidato para senador, gumastos na si Go ng P422.5 milyon samantalang mayroon lamang siyang deklaradong net worth na P12.85 milyon.

Naglabas din ang kampo ni Go na “this reflects a continuous improvement from his 5th to 6th place ranking with 41 percent conducted by the same survey firm (on) January 23-26, 2019 and coming from a 15th-16th ranking back in December 2018.”

Samantalang hindi rin lumabas ang nasabing January 23-26 “SWS survey” sa mismong SWS website.

Para mahingan ng komento hinggil sa sinabi ni Mangahas, tinanong ng MindaNews si Go at sumagot ang dating opisyal na “Ask mo sino naglabas po.”

Nagpaliwanag ang MindaNews na ang kampo niya ang nagbigay sa kanila ng kaduda-dudang survey results sa pamamagitan ng press release na ipinadala sa kanilang e-mail at Viber group.

“No comment na ako. Nagpasalamat na ‘ko,” sabi naman ni Go.

Nagbabala ang SWS na mag-ingat sa mga survey interviewer na nagpapanggap na nagtatrabaho sa kanilang kompanya.

“SWS interviewers while on fieldwork wear a valid ID which clearly shows the logo and name Social Weather Stations, the interviewer name and signature, validity period of the ID, and name and signature of an SWS officer,” ayon sa SWS website.

Hinimok din nila na para makumpirma kung totoo ang SWS interviewers, tumawag lamang sa kanilang tanggapa sa 02-9264308; 02-9244456; 02-9244465 at hanapin si Josefina Tayactac o sa kanilang mobile pone 09999913518, fax number 02-9202181 o email address na sws_info@sws.org.ph.

Pilipinas, mababaon sa kumunoy ng pautang

Maraming bansa sa buong mundo ang nagdadadalawang-isip sa alok na pautang ng China na malaki ang tubo tulad ng inilaang P4.37 billion para sa Chico River Dam Irrigation Project na nilagdaan ng mga opisyal ng Beijing at Maynila.

Pinondohan ng China Exim Bank at ginagawa ang konstruksiyon ng China CAMC Engineering Co. Ltd. Beijing na gumagamit ng manggawang Chinese sa proyekto.

Ang masama, napakalaki ng tubo ng China-funded projects sa antas na 2-3 porsiyento, 1,100 porsiyentong mas mahal kaysa pautang ng Japan na nasa antas lamang ng 0.25-0.75 porsiyento.

Ayon sa Washington-based Center for Global Development, isang nonprofit research organization, ang mga bansang hindi makababayad ng utang ay “hawak sa leeg” ng China tulad ng nangyari sa mga bansanf Djibouti, Kyrgyzstan, Laos, Maldives, Mongolia, Montenegro, Pakistan at Tajikistan.

Hindi nababahala sa “debt-trap diplomacy” ng China ang mga opisyal ng pamahalaang Duterte basta matulo lamang ang “Build, Build, Build”  program ng gobyerno.

Ikinatwiran no Socioeconomic Planning Secretary Ernesto  Pernia na hindi makukuhang lahat ng Pilipinas ang pangangailangan sa pondo mula sa Japan kaya kapat sa patalim ang bansa sa pag-utang sa China.

 “Between 2 percent and 3 percent interest rate is still much better than commercial loans,” sabi ni Pernia. “We don’t want to be left behind”

Masyadong nagmamadali ang administrasyong Duterte sa mga proyektong inasahang mabilis na magpapaunlad sa bansa ngunit sa kalaunan ay mababaon sa kumunoy ng utang ang sambayanang Pilipino.

Travel pa more, isinulong ni Sen Poe sa expanded student fare discoun

Inihayag ni Sen. Grace Poe na makakakuha ng diskuwento sa eroplano ang mga estudyante kapag nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Senate Bill No. 1597 o ang panukala niyang Student Fare Discount Act

“Ang isang batas na isinusulong ko ang i-institutionalize ang 20-percent discount sa lahat ng estudyante hindi lamang sa jeep at bus kundi pati na rin sa eroplano kaya travel pa more,” sabi ni Poe kamakailan.

Si Poe ang co-author at co-sponsor ng Student Fare Discount Act na ini-reconcile sa House Bill No. 8885 na inaprubahan at naghihintay na lamang ng lagda ni Duterte.
Kapag batas na, lahat ng estudyanteng Pilipino mula elementarya at kolehiyo kabilang ang nasa technical at vocational schools ay makakakuha ng 20 porsiyentong diskuwento sa mga bus, jeepneys, taxis, tricycles, transport network vehicle services, shuttle services, railway services, gayundin sa  airline at passenger ships kahit weekends at holidays.
“Isa ako sa nagsusulong ng mga proyekto para sa kapakanan ng mga estudyante at iba pang nangangailangan ng tulong,” diin ni Poe.
Si Poe rin ang pangunahing awtor ng batas na nag-aalis ng government fees  sa pre-employment documents tulad ng police clearance, National Bureau of Investigation (NBI) clearance at tax identification number.

“Para sa first time graduates, ang lahat ng government permits ninyo—NBI clearance, barangay clearance etc. ay libre na dahil sa aking panukalang batas,” dagdag ni Poe.