P50 cancellation fee ng Grab, iimbestigahan ng LTFRB

Bubusisiin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ipinatutupad na P50 penalty ng Grab para sa mga pasaherong nagkakansel ng kanilang biyahe.

Sinabi ni LTFRB chair Martin Delgra na ipinabatid na ito sa kanila ng Grab subalit walang kompletong detalye kung bakit sila naniningil ng cancellation fee. Bukod dito, rerebisahin din ng board ang bagong fare policy ng kompanya.

Ipinaalam ni Grab President Brian Cu ang pagpataw nila ng cancellation fee upang makalikha ng mas magandang ride-hailing ecosystem kung saan kapwa magiging responsableng gumamit ng kanilang platform ang mga pasahero at drayber.

Sa ilalim ng bagong polisiya, kung kinansel ng isang GrabCar passenger 5 minuto makaraang makakuha ng drayber o nabigong magpakita sa kanilang tagpuan limang minuto pagkatapos dumating ng drayber, papatawan ang pasahero ng P50.

Sisingilin ang multa sa susunod na nagbayad ng cash ang pasahero.

Maaari ring masuspinde ang account ng pasahero ng 24 oras kung nagkansela sila ng dalawang beses sa loob lamang ng isang oras, tatlo sa isang araw o limang ulit sa isang linggo.

Hindi naman gagana ang multa kung nagkansela ang drayber sa loob ng 5 minuto, kung hindi dumating ang drayber sa pickup point o kung nahuli sila ng 15 minuto o higit pa sa inaasahang oras ng pagdating.

Mare-refund naman ang mga maling cancellation fee sa loob ng 48 oras.

Hindi rin makakagamit ng kanilang platform ang mga drayber na bigla na lamang nagkakansela ng passenger bookings o namimili kung saan ang biyahe kung lumabis sila sa pagbalewala o kansela ng requests.

Tatanggap naman ang mga pasahero ng 30 reward points bilang konsuelo de bobo.

IN PHOTOS:

HINDI magkamayaw ang mga taga-Bayambang, Pangasinan na gustong makamayan si Sen. Grace Poe nang muling magkampanya sa nasabing lalawigan ang senadora. Tubong Pangasinan ang ama ni Sen. Poe na si Fernando Poe Jr. o FPJ  kaya naniniwala siyang tatangkilikin ng mga mamamamyan ng nasabing lalawigan.
Lugar para sa mga attachment

Negosyong Intsik na hindi tumatanggap ng Pinoy, isara – Lacson

Hinimok ni Senador Panfilo Lacson ang gobyerno na isara ang mga restoran at iba pang establisimyentong tanging mga Chinese lamang ang pinapapasok o pinagsisilbihan sa ating sariling bayan.

Nanawagan din si Lacson sa Department of Trade and Industry (DTI), lokal na pamahalaan at iba pang mga ahensiya para gamitin ng mga ito ang kanilang awtoridad at huwag papasukin ang mga mamumuhunang Intsik sa mga small- and medium-sized enterprises (SMEs).

“We should prioritize Filipino entrepreneurs,” pahayag ni Lacson sa panayam sa radyo. “If investors coming from China would do business even in SMEs, that will be alarming because many of our countrymen will be deprived of investment opportunities.”.

Idinagdag pa ng senador na hindi masama kung papasok ang mga negosyanteng Intsik na magdadala ng bilyon-bilyong puhunan sa bansa dahil makatutulong ito sa ating ekonomiya ngunit nakapag-aalala na kung papasukin pa rin ng mga dayuhan ang maliliit na negosyo.

“What’s worrisome is if the Chinese investors would … compete in running variety stores, restaurants and merchandising, which only require small investment money,” ani Lacson.

Ginawa ng senador ang pahayag matapos batikosin ng mga netizen sa social media ang isang restorang China Food City sa Alabang, Muntinlupa City ang nagbabawal sa mga Filipino na pumasok sa loob ng compound dahil tanging mga Intsik na empleado lamang na nagtatrabaho sa katabing online gaming companies ang kanilang pinagsisilbihan.

May mga ulat pang ilang convenience stores na pag-aari ng mga Intsik sa lungsod ng Makati at Pasay ang hindi tumatanggap ng mga kustomer na Filipino.

Noong Abril, nagreklamo ang mga residente ng Boracay sa biglaang pagdami ng mga restorang Intsik sa main road ng pamosong resort island.

Walang menu na nakasulat sa Ingles o Filipino ang mga restoran at nakasulat lang sa Chinese. Bukod pa rito, pawang mga Intsik ang kanilang mga cook, cashier, waiters, laborers at drivers at tanging mga kapwa lamang nilang Intsik ang pinagsisilbihan.

“Try to go to China and put up a store that sells goods without Chinese [markings] and [are] exclusive[ly] for Filipinos. You will be deported [the next day],” kuwento ni Lacson.

Dapat aniyang magtulongan ang DTI, Department of Labor and Employment at Bureau of Immigration para magbuo ng task force upang malaman kung saan gumagawa ng negosyo ang mga dayuhang Intsik.

“They must closely scrutinize what kinds of investments are being brought here. I think they should discourage if the investment would deprive our countrymen the chance to make their lives better by having their own small business,” anang senador.  

Nag-upload ng ‘Bikoy’ videos, arestado ng NBI

Kinumpirma nitong Huwebes ng Department of Justice (DOJ) ang pagkakaaresto ng mga awtoridad sa indibidwal na hinihinalang nag-upload ng anonymous videos ng isang alyas “Bikoy” na tumukoy sa mga Duterte na sangkot sa ilegal na droga.

“It was the person who uploaded the video who was arrested for cybercrime, specifically cyberlibel,” pahayag ni Justice Undersecretary Mark Perete, DOJ spokesperson, sa mga mamamahayag.

Wala namang detalye ng pagkakaaresto ang isinapubliko sa ngayon habang naghihintay ang DOJ sa report ng National Bureau of Investigation (NBI).

Mahalaga ang ginagampanan ni “Bikoy” sa tinatawag na ouster plot “matrix” na inilabas ng Malacañang at nag-uugnay sa tatlong news organization at National Union of Peoples’ Lawyers na naglalayong patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte. Gayunman, sinabi ng pulisya at militar na wala silang namonitor ng anumang banta para mawala sa poder ang Pangulo.

Mariin namang itinanggi ng mga mamamahayag at ng NUPL ang alegasyon at sinabi pang nilikha ng  mismong Pangulo ang sinasabing matrix na maraming kamalian.

Noong Miyerkules, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi na kinakailangan pang patunayan ang katotohanan ng matrix.

“The matrix shows that there is an ouster plot. It is just a plot, a plan, an idea,” ani Panelo.

Cap sa power rate hikes, pinuri ng MKP

Malugod na tinanggap ng Murang Kuryente Partylist nitong Martes ang ginawang panukala ng Senate Committee on Energy para maglagay ng cap sa power rate hikes.

“Masyadong mataas ‘yung cap para sa mga konsumer, pero ito ay isang hakbang patungo sa nararapat,” sabi ni MKP second nominee at matagal nang energy advocate na si Gerry Arances.

Napagkasunduan kamakailan ng Senate Committee na pinangungunahan ni Senador Sherwin Gatchalian ang P6 per kilowatt-hour cap sa power rate increases.

Subalit iginiit ng partylist na unang hakbang pa lamang ito at dapat na baguhin ang mismong sistemang pinaiiral.

“‘Wag tayo tumigil diyan. Tama si Senador Gatchalian na ang polisiya natin sa koryente mismo ang may pagkukulang. Tignan natin ang EPIRA at baguhin ang dapat baguhin, para tagakonsumo naman ang makinabang,” diin ni Arances.

Ayon kay Arances, dapat ding parusahan ang mga generation companies (GenCos) dahil sa bigla o wala sa iskedyul na pagkawala ng koryente.

“Nabanggit sa hearing, at malinaw na malinaw – ang konsumer na ‘di makabayad nang mataas na singil sa koryente, mapuputulan at mapapatawan ng mga reconnection fees, pero ang GenCo na nasiraan ng planta at sanhi ng brownout, walang kailangang katakutan,” lahad pa ng energy advocate.

Sinabi pa ni Arances na dapat mag-ingat ang Senate Committee sa mga posibleng taktika ng mga energy company na gamitin ang banta ng pagkawala ng koryente upang mahimok ang pamahalaan na magtayo pa nang mas maraming power plant at sa kasunduang matatalo ang mga konsyumer.

“Tandaan natin na pabor sa kanila na magkaroon ng krisis sa koryente para mapilitan tayo na magbayad kung anuman ang singil nila. Dapat ipakita natin na mulat tayo sa mga galawan nila, at handa tayo na ipaglaban ang dapat para sa mga consumer,” dagdag ni Arances.

Patuloy pa rin ang pagkuwestiyon ng MKP sa mga distributor, generation company at kooperatiba sa industriya habang inaasam nilang maprotektahan ang mga konsumer sa pinakamasamang gawain ng mga ito.

Idinagdag pa ng partylist na pinagsasamantalahan ng mga distributor tulad ng Meralco at mga kooperatibang katulad ng Philreca ang mga tapat na konsumer.

“Kung hindi babaguhin ang sistema, hindi magbabago ang industriya. Noong isang araw lang, nagbadya ang Meralco ng kakulangan sa supply ng koryente hanggang sa Hunyo. Ang koryente, serbisyo at hindi negosyo. Dapat hindi mga negosyante ang nagtatakda ng mga polisiya at presyo nito,” ani Arances.

DFA humingi ng tulong para sa absentee voting

Halos wala nang tinatanggap na ayuda ang mga foreign service worker na naghihintay ng kanilang naantalang badyet para sa overseas absentee voting (OAV), ayon kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr.

“I know the sacrifices you are making so overseas Filipinos can vote and how little help you are getting. One of you advanced $10,000 to make sure ballots are delivered,” sabi ni Locsin sa kanyang Twitter.

“I am so proud of you and so ashamed of the little help. My gratitude is boundless,” dagdag pa ng kalihim.

Naunang ipinarating ng mga overseas Filipino worker (OFW) na hindi pa dumadating ang kanilang mga balota dalawang lingo makalipas ang pagsisimula ng OAV noong Abril 13.

Ipinabatid naman ng Commission on Elections (Comelec) na naantala sila dahil sa pagbili ng postage stamps dulot naman ng mabagal na pag-apruba sa 2019 national budget.

“The DFA is confident that the Comelec will be able to provide the necessary resources to enable an honest, fair and credible elections overseas. In the interest of time, the DFA has authorized the concerned Foreign Service Posts to advance the cost of the remaining postage fees in order to bridge the funding gap while awaiting the remittance from the Comelec,” pahayag ng DFA.

Ipagpapatuloy din ng DFA ang pakikipagkoordinasyon nila sa Comelec upang mapabilis ang pagproseso ng OAV.

Para sa senatorial at party-list elections, may dalawang paraan ang DFA para sa OAV: personal voting, kung saan magtutungo ang botante sa embahada ng Pilipinas at Consulate General; at postal voting, kung saan ipadadala ng embahada at Consulate General ang official ballot sa botante, na ikokoreo pabalik ang dokumento sa nasabing pasilidad.  

Norte, lalong naging solido kay Sen. Grace Poe

Sa pangangampanya sa mga lalawigan ng Cagayan at Isabela, sinalubong si Sen. Grace Poe ng matibay na espiritu ng mga Pilipino na hindi kayang igupo ng bagyo, tagtuyot at maging ng lindol na yumanig sa Gitnang Luzon.

Sa Isabela, makikita natin na walang bagyo o tagtuyot na kayang gumapi sa ispiritu ng Pilipino. Kung pagtitiwalaan ninyo akong muli, maaasahan ninyong kasama ninyo ako sa pagsusulong ng mga proyektong makatutulong sa mga kababayan nating Isabelano,” sabi ni Poe sa kanyang Facebook account.

Nauna rito sa Cagayan, dinumog ang senadora ng kanyang mga tagasuporta na nagsidagsa sa kanyang paglilibot sa nasabing lalawigan, partikular sa kabiserang Tuguegarao City.

“Mainit man ang panahon at nililindol tayo, pero matatag ang pundasyon ng hangarin nating maglingkod sa inyo.

Salamat, Tuguegarao!” dagdag ni Poe.   

Maglalagare si Poe ngayong Huwebes, Abril 25, sa Ilocos Sur at Norte na kabilang pa rin sa tinatawag na Solid North o balwarte ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Ang Isabela ay mayroong mahigit 911,000 botante, habang ang Cagayan ay mayroon namang mahigit 647,000 botante.

Ang Ilocos Region naman ay may 3.3 mil­yong botante at kung isasama pa ang Pangasinan na may mahigit 1,900,000 registered voters ay mahigit limang milyong boto ang makokopo ni Poe sa rehiyon.

Nauna nang sinabi ni Poe na kahit nangu­nguna siya sa mga survey ay hindi siya magiging kampante dahil patuloy siyang mag-iikot sa iba’t ibang panig ng bansa hanggang sa Mayo 11, o dalawang araw bago ang halalan.