DFA humingi ng tulong para sa absentee voting

Halos wala nang tinatanggap na ayuda ang mga foreign service worker na naghihintay ng kanilang naantalang badyet para sa overseas absentee voting (OAV), ayon kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr.

“I know the sacrifices you are making so overseas Filipinos can vote and how little help you are getting. One of you advanced $10,000 to make sure ballots are delivered,” sabi ni Locsin sa kanyang Twitter.

“I am so proud of you and so ashamed of the little help. My gratitude is boundless,” dagdag pa ng kalihim.

Naunang ipinarating ng mga overseas Filipino worker (OFW) na hindi pa dumadating ang kanilang mga balota dalawang lingo makalipas ang pagsisimula ng OAV noong Abril 13.

Ipinabatid naman ng Commission on Elections (Comelec) na naantala sila dahil sa pagbili ng postage stamps dulot naman ng mabagal na pag-apruba sa 2019 national budget.

“The DFA is confident that the Comelec will be able to provide the necessary resources to enable an honest, fair and credible elections overseas. In the interest of time, the DFA has authorized the concerned Foreign Service Posts to advance the cost of the remaining postage fees in order to bridge the funding gap while awaiting the remittance from the Comelec,” pahayag ng DFA.

Ipagpapatuloy din ng DFA ang pakikipagkoordinasyon nila sa Comelec upang mapabilis ang pagproseso ng OAV.

Para sa senatorial at party-list elections, may dalawang paraan ang DFA para sa OAV: personal voting, kung saan magtutungo ang botante sa embahada ng Pilipinas at Consulate General; at postal voting, kung saan ipadadala ng embahada at Consulate General ang official ballot sa botante, na ikokoreo pabalik ang dokumento sa nasabing pasilidad.