Manila Water pinagmulta ng P1.15 bilyon ng MWSS

Pinarusahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang pribadong water concessionaire na Manila Water kaugnay ng malaking kakulangan sa suplay ng tubig sa Metro Manila at lalawigan ng Rizal noong nakaraang buwan.

Pinatawan ng ahensiya ang pag-aari ng Ayala group of companies ng tinatantiyang P1.15 bilyon makaraang makumpirma ng MWSS na nilabag ng Manila Water ang obligasyon nito sa ilalim ng concession agreement na makapaghatag ng walang tigil na serbisyo sa mga kostumer nito sa east concession zone.

Hiwalay pa ang multang ito sa halos P500 milyong ibabalik sa mga konsyumer dahil sa one-time bill waiver scheme na ipinatupad ng Manila Water noong Marso.

Ayon kay Manila Water CEO Ferdinand dela Cruz, nakahanda naman silang tanggapin ang desisyon ng MWSS na patawan sila ng multa.

Saklaw ng boluntaryong one-time bill waiver scheme ang unang 10 cubic meters na nakokonsumo ng bawat konsyumer kada buwan.

“This minimum charge ranges for our lifeline customers of P76 but it also goes to all kinds of customers ā€” lifeline, domestic, semi-domestic, commercial, industrial so it ranges from P76 to P656 for industrial customers, which represents the 10 cubic meters,” ani Dela Cruz noong Marso.