Dapat makipag-usap tayo sa China — Duterte

Matapos ang babala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa China na huwag gagalawin ang Pag-asa Island bunsod ng agresibong pagkilos nito sa West Philippine Sea, muli na namang nagbago ang pakikitungo ng Punong Ehekutibo sa higanteng bansa at mas pinili na namang daanin sa negosasyon ang hindi pagkakaunawaan ng dalawang bansa.

Iginiit ni Duterte, na inaakusahan ng ilang grupo na hindi pinagtitibay ang maritime claims ng Pilipinas, na hindi maaaring magtagumpay ang bansa kontra China sa digmaan.

“We can’t defeat them. So let’s stick to just talking unless you want me to say, ‘OK, I’ll attack China. Who’s with me?’ Will America join us? They can’t even resolve their problem with Iraq and Iran in the Middle East. They’ve been at war for a long time. But who won it? Nobody. Many lives were lost including those of civilians, children, the elderly and women. That’s the story,” pahayag ng Pangulo sa campaign rally ng PDP-Laban sa Davao kamakalawa ng gabi.

Inismiran lang ni Duterte ang hamon ng kanyang mga kritiko na bisitahin ang ilang lugar sa West Philippine Sea na inokupahan nang mga Chinese.

“They want me to visit it. It’s fine, it can be done just to show off. But we would all be destroyed. And my soldiers and my policemen will be massacred,” anang Pangulo.

Hindi malinaw kung babanggitin ni Duterte ang isyu sa West Philippine Sea kay Chinese President Xi Jinping kapag nagpulong sila sa Second Belt and Road Forum sa Beijing.

Sinabi pa ni Duterte na ang sinundan niyang si Benigno Aquino III ang walang ginawa sa reclamation activities ng China sa West Philippine Sea.

“America also did not do anything. And now that it has been completed and that there is already a camp there and there are armaments and they want me to go there. Now it’s almost complete. It looks like a real camp. They have guns,” anang Pangulo.

Makalipas ang mahabang panahong pagbibigay sa China, nagbago ang tono ni Duterte kamakailan at sinabihang huwag galawin ang Pag-asa Island na okupado ng puwersang Filipino.