Grace Poe, lagare sa kampanya kahit No. 1

Tuloy ang pukpukang kampanya ni Senadora Grace Poe kahit hindi ito matibag sa number one spot ng mga pre-election survey.

Sinabi ni Poe na marami pa siyang lugar na kailangang suyurin sa nalalabing isang buwan ng kampanya bago ang May 13 midterm elections.

“‘Yung mga gusto kong puntahan sa kampanya na ‘to marami pang lugar, sa Mindanao, sa Visayas at mga liblib na lugar sa Luzon,” ayon sa senadora.

Ani Poe, magpapahinga lamang siya sa panahon ng Semana Santa upang sumama sa tradisyunal na ginagawa ng kanilang pamilya na Visita Iglesia.

“Dito lang sa bahay kasama ng pamilya ko, ‘yung traditional na ginagawa namin, Visita Iglesia; pero hindi ako makakabakasyon hangga’t hindi matapos ang kampanya,” dagdag ni Poe.

Sa March 2019 survey ng Pulse Asia, nama­yagpag si Poe sa number one spot at malaki ang lamang sa pumapangalawang kandidato.

“Ang survey naman paiba-iba ‘yan. So sa tingin ko ang edge na lang natin kung anuman ang nagawa natin sa Senado. At hindi ko ipagkakaila, siyempre si FPJ pa rin. ‘Yung ang naaalala ng mga tao lalo na ang mga nasa probinsiya; very sentimental ang mga tao roon,” paliwanag pa ni Poe.