Sharon todo-suporta kay Poe

Isinapubliko ng sikat na singer, aktres at Megastar Sharon Cuneta ang kanyang pagsuporta kay Senadora Grace Poe na lumalaban para sa reeleksiyon sa nalalapit na May 2019 midterm elections.

Nag-post si Cuneta sa kanyang Instagram ng imahe ni Poe na may caption na nagpapadama ng kanyang matatag na pagsuporta sa senatorial candidate.

“Sen. Grace Poe has my full support and my heart. May God bless you, Senator!” sabi ni Cuneta sa kanyang post.

Sumagot naman agad si Poe sa pag-endorso sa kanya ng sikat na artista at pinasalamatan ang natatanging Megastar.

“Maraming salamat sa pagtitiwala at pagmamahal ng nag-iisang Megastar, Ms. Sharon Cuneta,” sagot ni Poe.

Humingi rin ng pabor si Cuneta at tinanong ang senadora kung may campaign materials ito na balak niyang ipamahagi sa kanyang mga “Sharonians.”

“Sen. Baka you can send me some shirts/campaign materials. I am sure lots of Sharonians would love to have some too,” ani Cuneta.

“Will [send you my address on direct message] or Kiko [Pangilinan] can give to you too. Love you and my Mama Swanie. Hope to see you soon!” dagdag pa ng aktres.

Noong 2016, hindi inendorso ni Cuneta si Poe sa presidential election dahil nahati aniya ang kanyang kalooban sa batang senadora at kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Kinokonsidera naman ni Cuneta na kaibigan ang dalawang kandidato.