Pinapatay sa gutom ang mga residente ng Pag-asa Island

Luminaw ang kawalang pag-asa ng mga naninirahan sa Pag-asa Island na bahagi ng munisipalidad ng Kalayaan sa lalawigan ng Palawan nang sa wakas ay magprotesta ang Pilipinas sa pambu-bully ng China.

Hindi pa malinaw kung ano klaseng diplomatic protest ang isinampa ni Department of Foreign Affairs Secretray Teodoro Locsin Jr. pero para kay Chinese Ambassador Zhao Jinhua, isang uri lamang ito ng atake sa liderato ng China tulad ng pagsasampa ng kaso sa International Criminal Court (ICC) ng dalawang dating opisyal ng Pilipinas kay Chinese President Xi Jinping.

Naalarma na ang gobyerno nang mabatid na pinalilibutan ng mahigit 200 barkong Chinese ang Pag-asa Island na mas kilalang Thitu Island sa mga bansang China, Vietnam at Taiwan.

Marahil, naniniwala na ngayon si Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi makapangisda ang mga residente ng Pag-asa dahil “kinukuyog” ng mga barkong pandigma at pangisda ng China.

Gusto ng mga Chinese na mamatay sa gutom ang taga-Pag-asa para umalis at nang sa gayon ay makubkob nila ang ikalawang pinakamalaking isla sa Spartlys.

Kataka-taka naman ang sobrang pagtatanggol ni Panelo na eksaherado raw ang ulat ng Western Command ng Armed Forces of the Philippines na nakapagtala ng 600 barko umiikot sa Pag-asa mula noong Enero.

Panahon na para gamitin ng Pilipinas ang desisyon ng The Hague sa reklamo nito laban sa nine-dash line ng China. Nagwagi ang ating bansa at tama na ang pambu-bully ng mga Chinese laban sa mga mangingisdang Pilipino na nais lamang mabuhay.