Narco celebrities, gustong ibulgar ng PNP

Kung si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Oscar Albayalde ang tatanungin, mas nanaisin niyang ilabas ang pangalan ng mga artistang nauugnay sa ilegal na droga at napabilang sa drug watchlist.

Sa panayam kay Albayalde, dapat lang aniya na matukoy kung sino sa mga celebrity na nasasangkot sa illegal drug trades kagaya nang nais ng PNP chief noong ilabas ang talaan ng narco politicians.

Iginiit ni Albayalde na nasa desisyon ito ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Office of the President.

Naunang ipinabatid ni PDEA director general Aaron Aquino na kasama sa 31 celebrities gayundin ang 11 aktres ang nasa drug watchlist.

Hindi naman sumasang-ayon si Aquino na ilantad ang mga pangalan ng artista dahil nais nilang matiyak kung gaano katotoo ang impormasyon.

Idinagdag naman ni Albayalde na iniipon pa nila ang mga ebidensiya laban sa mga nasabing artista bago sampahan ng kaso.

Noon pa mang nakapuwesto siya bilang National Capital Region Police Office director, sinabi ni Albayalde na mayroon nang 50 artista ang nasa kanilang watchlist.

Nagbabala rin ang Malacañang sa mga artistang nasa druglist na itigil na nila ang kanilang mga ilegal na aktibidad bago sila hulihin.

Hinimok naman ni Senate President Vicente Sotto III ang PDEA na isapubliko na ang nasabing celebrity watchlist.

“I’m in favor of releasing the list, but it should be validated. Take note that the term ‘celebrities’ refers to not only showbiz people but also basketball players and other public figures,” sabi ni Sotto.