Ressa dinampot sa NAIA

Muling inaresto si Rappler chief executive Maria Ressa ilang sandali matapos dumating sa Ninoy Aquino International Airport (Naia) nitong Biyernes ng umaga.

Inisyu ang arrest warrant ni Judge Acerey Pacheco ng Pasig Regional Trial Court Branch 265, kagaya ng mapapanood sa Facebook livestream ng balita sa Rappler website.

“Landing in a short while to face my latest arrest warrant and the 7th time I will post bail,” sabi ni Ressa sa kanyang Twitter.

“Will they actually arrest me again?! @rapplerdotcom this is insane. Such violations of the Bill of Rights and the PH Constitution,” dagdag pa ng dating CNN correspondent.

Kinasuhan sina Ressa kasama ang iba pang Rappler executives na sina Manuel Ayala, Nico Jose Nolledo, Glenda Gloria, James Bitangca, Felicia Atienza at James Velasquez ng Pasig City prosecutors sa mga hinihinalang paglabag sa Anti-Dummy Law at Securities Regulations Code (SRC).

Binawi ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang license to operate ng Rappler dahil sa paglabag sa constitutional cap on foreign ownership.

Naaresto si Ressa noong nakaraang buwan dahil sa cyberlibel case at nagpalipas ng magdamag sa tanggapan ng National Bureau of Investigation.

Nagpiyansa naman si Ressa ng P100,000 sa Manila Regional Trial Court Branch 46 para sa nasabing cyberlibel case.