Poe, Numero Uno sa Veritas Truth Survey

Pinatunayan ni Senadora Grace Poe ang kanyang katapatan sa paglilingkod sa bayan kaya naman siya ang nanguna sa isinagawang Veritas Truth Survey mula Pebrero hanggang Marso para sa darating na halalan sa Mayo 13.

Ayon sa survey na kinapanayam ang mga botanteng Katoliko mula sa iba’t ibang parokya sa buong bansa, nakamit ni Poe ang number one slot para pangunahan ang lahat ng mga kandidato sa pagka-Senador sa nalalapit na midterm elections.

 

“Nagpapasalamat tayo sa ating mga kababayan na number one tayo sa trust rating ng mga tumatakbo sa Senado. Ang inyong pagtitiwala ay sinusuklian natin ng tapat at mahusay na paglilingkod,” pahayag ni Poe habang bumisita nitong Miyerkules sa Cotabato para sa ika-5 anibersaryo ng Comprehensive Agreement on the BangsaMoro.

 

“Tinitiyak natin sa ating mga kababayan dito ang ating suporta sa mga polisiya at programang magsusulong ng pangmatagalang kapayapaan at kaayusan sa Mindanao,” dagdag pa ng batang Senadora.

 

Sinundan si Poe ng mga kapwa reeleksiyonistang sina Senador Sonny Angara at Cynthia Villar para okupahan ang pangalawa at pangatlong puwesto. Habang nasa ikaapat na posisyon ang nagbabalik sa Senador na si Pia Cayetano, pumanglima naman ang doktor na si Willie Ong.

 

Para kumpletohin ang magic 12 senatorial slate, kabilang sina dating PNP chief Ronald “Bato” Dela Rosa (6th), Senadora Nancy Binay (7th), Senador Paulo “Bam” Aquino (8th), dating Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go (9th), dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares (10th), dating Senate President Aquilino “Koko” Pimentle III at Francis Tolentino (12th).

 

Ginamit ng Veritas Truth Survey ang mga datos mula sa 1,200 stratified respondents mula sa 86 na Arkidiyosesis at Diyosesis ng Simbahang Katolika sa buong kapuluan na may +/-3% margin of error.