Pinakamalaking transport group, sumuporta kay Poe

Sinuportahan ng pinakamalaking transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) ang kandidatura ni Senadora Grace Poe para sa nalalapit na halalan sa Mayo 13.

“Batay   sa resolusyon na pinagtibay ng ika-6 na pambansang kongreso ng PISTON,  mahalagang suportahan, ikampanya at iboto ng mga drivers at maliliit na operators na maibalik sa Senado si Senadora Grace Poe,” ayon sa Facebook account ng pangulo ng PISTON na si George San Mateo.

“Si Sen. Grace Poe na  kasangga ng mga drivers at maliliit na operators sa pakikibaka laban sa jeepney phase out at pekeng negosyong PUV (public utility vehicle) modernization ni Duterte. Si Sen. Poe ay matagal nang kapanalig ng  Makabayan Coalition,” dagdag ni San Mateo.
Matatandaang si Poe bilang Senate chairperson ng committee on public services ang kumontra sa utos ng Quezon City Regional Trial Court na arestuhin si San Mateo sa reklamo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa pangunguna sa welgang bayan ng Piston noong Pebrero 27, 2017.

“Everyone has the right to peaceably assemble. It is unclear based on the cited section of the Public Service Act what exactly San Mateo violated,” sabi ni Poe noon. “If holding a strike is tantamount to a violation under any memorandum of the LTFRB, then the proper penalty should have been a fine or suspension or cancellation of their franchise, not threatening their leader with incarceration.”