Laos nang si Misuari, bakit pinakikinggan ni Duterte?

Iginigiit sa gobyerno ni dating­ Moro National Liberation Front (MNLF) chairman Nur Mi­suari ang Federalismo kapalit ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.

Ito ang inihayag ni Pangulong­ Rodrigo Duterte sa muling pakiki­pagkita ni Misuari sa kanya nitong Martes ng gabi sa Malacañang matapos dumating mula sa dina­luhang conference sa Gitnang Silangan.


Sinabi ng Pangulo na sinisingil na ni Misuari ang Federalismong ipinangako noon dito ni dating Pangulong Corazon Aquino.

Ayin sa Pangulo, kaya niya isinapubliko ang naging usapan nila ni Misuari para marinig ng mga mambabatas at kumilos at magpasya kung ano ang inaakalang tama para sa bansa.

“Kagabi nag-usap kami sa harapan nina Gen. (Carlito) Galvez sa OPAPP, Gen. (Hermogenes) Esperon at apat pang heneral. Sabi ni Misuari ito ang gusto ko Federalismo,” anang Pangulo.

Ayon pa sa Presidente, tinapat siya ni Misuari na kapag hindi ibi­nigay ang Federalismo ay magkakaroon ng giyera sa Mindanao.

“Sabi ni Misuari kagabi, if you do not give it to me, let me be very honest, I will go to war,” dagdag ng Pangulo.

Lumalabas na bina-blackmail ni Misuari si Duterte sa iginigiit nitong Federalismo at payag na payag naman ang Pangulo kaya nakikiusap siya sa Kongreso na kaagad ipasa ang Charter Change o Cha-Cha.

Ngunit sino pa ba ang nakikinig kay Misuari kundi si Duterte lamang Kung gusto niya ng giyera, bakit hindi niya simulan tulad ng panggugulo ng mga tauhan niya sa Zamboanga City noong.2013.

Ang dapat kay Duterte, papanagutin si Misuari sa mga kasalanan nito hindi iyong kinukunsinte niya ang “laos” nang lider ng MNLF na hindi na pinakikinggan ng mga dating kasamahan nito.