Inutil na MWSS, sinabon ni Poe

Tama lamang na ibagsak ang sisi ni Senadora Grace Poe sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang malaking kakulangan sa bisyon nito na mapaghandaan ang dinadanas na krisis sa tubig sa ilang bahagi ng Kamaynilaan may ilang linggo na ang nakalilipas.

Sa isinagawang hearing ng Senate committee on public services, binira ni Poe ang kainutilan ng MWSS kung bakit ngayon nagdurusa ang milyon-milyong residenteng naapektuhan ng kakulangan ng tubig na isinusuplay ng Manila Water.

 

“Sa tingin ko hindi na nila ginagawa ang trabaho nila. Ang nakakalungkot dito, malaki ang pagkukulang ng Manila Water pero sa tingin ko mas malaki ang pagkukulang ng MWSS,” sabi ni Poe na chair ng nasabing komite.

 

Iginiit pa ng reeleksiyonistang Senadora na ipinabatid nang Manila Water noon pang nakaraang taon ang nakikita nilang kakulangan ng suplay ng tubig sa MWSS subalit binalewala ito ng mga opisyales.

 

Hindi man lang aniya nakipagkoordinasyon ang MWSS sa Manila Water kung operasyonal na ang Cardona plant ng water concessionaire dahil masosolusyonan sana nito ang dinadanas na problema sa tubig ng kompanya sa kasalukuyan.

Ipinabatid naman ni Senador Joel Villanueva na binubuo ang MWSS Board of Trustees ng anim na abogado, dalawang retiradong opisyal ng militar at isang chemical engineer.

 

Sinabi ni Villanueva na walang civil engineer, na nakaalam sa impraestruktura ng sistema ng suplay ng tubig, ang MWSS na posibleng isang dahilan kung bakit nagkaproblema ngayon ang bansa.

 

“Ang MWSS [board] dapat mayroon silang inhinyero, civil engineer. Puro abogado sila doon, eh. Hindi talaga nila nakita ang problemang ito dahil hindi nila maintindihan,” paliwanag naman ni Poe.

 

Naniniwala rin si Poe na dapat nang magreorganisa ang MWSS dahil napakaraming abogado sa kanilang Board.

Napilitang putulin ng Manila Water ang suplay ng tubig sa ilang bahagi ng Metro Manila sanhi ng dinadanas nitong lumiliit na suplay sa harap naman ng tumataas na pangangailangan ng mga konsumer. Dagdag na rin ang pagkaantala ng mga proyektong pang-impraestruktura at bumababang suplay ng tubig sa La Mesa Dam.