Poe, angat na naman sa Pulse Asia survey

Muli na namang ipinakita ng sambayanang Filipino ang mataas nilang paniniwala sa reeleksiyonistang si Senadora Grace Poe para manguna sa pinakahuling Pulse Asia survey.

Sa inilabas na datos nitong Lunes, lumitaw sa isinagawang sarbey ng Pulse Asia noong Pebrero 24 hanggang 28 na kung ngayon na gagawin ang halalan, si Poe ang pinili ng 67.5 percent ng kabuuang 1,800 respondents.

 

Pumangalawa sa kanya ang kapwa reeleksiyonistang si Senadora Cynthia Villar na may 61 percent habang nasa pangatlong puwesto na si dating Special Assistant to the President Christian “Bong” Go na may 53 percent at Senador Sonny Angara na may 52.2 percent para okupahan ang ikaapat na posisyon.

 

Ginamit ng Pulse Asia ang face-to-face interviews sa mga respondent at may ± 2.3 percent error margin mula sa 95 percent confidence level.

 

Ayon sa Pulse Asia, halos dati nang mga mambabatas ang nakabilang sa kanilang talaan ng mga magwawagi sa halalan sa Mayo 13.

Mula sa kabuuang 62 kandidato, sinabi ng Pulse Asia na 14 ang may statistical chance na mapabilang sa 12 mananalo sa eleksiyon.

Kabilang na rin dito sina dating Senador Lito Lapid, 49 percent; Taguig City Representative Pia Cayetano, 47 percent; dating Philippine National Police chief Ronald dela Rosa, 44.6 percent; Senador Nancy Binay, 40.5 percent at dating Senador Mar Roxas, 39.8 percent.

Para mabuo ang sinasabing 14 na senador, kasama rito sina dating Senador Ramon Bong Revilla, Jr., 36.8 percent; Ilocos Norte Governor Imee Marcos, 36 percent; Senador Aquilino Pimentel III, 35.6 percent; dating Senador Jinggoy Estrada, 33.9 percent at dating Presidential Adviser on Political Affairs Francis Tolentino, 32.1 percent.

Ipinakita rin ng sarbey na 37 percent ng mga botante ang mayroon ng 12 senatorial candidates na naglalaro sa kanilang isipan dalawang buwan pa man bago maganap ang eleksiyon.

Idinagdag pa ng Pulse Asia na 1 percent ng mga respondent ang hindi nagpamalas ng pagsuporta sa sinumang kandidato para Senador.