Groundbreaking ng bagong Senate building sa Taguig, pinangunahan ni Sotto

Pinangunahan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang ground-breaking ceremony ng bagong gusali ng Senado sa Taguig City nitong Lunes.

Itatayo ang proyektong nagkakahalaga ng P8.9 bilyon sa Navy Village, Fort Bonifacio sa Taguig City.

Bukod kay Sotto, naroon din sa ground-breaking ceremony sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto; Majority Leader Juan Miguel Zubiri; Minority Leader Franklin Drilon; mga senador na sina Panfilo Lacson, Loren Legarda, Gringo Honasan, Nancy Binay, Joel Villanueva at Sherwin Gatchalian.

Naunang sinabi ni Lacson na aabutin ng 40 buwan kung sisimulan ngayong taon hanggang 2022 ang bagong tahanan ng Senado.

“I do realize, Mr. President, that I promised that we will have the opening of the 18th Congress by 2021 at this new facility. I want to assure you that this target is still within reach as we carry out ways to fast-track the project and design it to be completed in strategic phases which I will detail afterwards,” pahayag ni Lacson sa kanyang ulat sa Senado noong nakaraang buwan.

Si Lacson ang chair ng Senate committee on accounts na gumawa ng pag-aaral para sa gagawing bagong gusali ng Senate building.