Pagpapahalaga sa kabuhayan ng mga promdi, isusulong ni Grace Poe

Nangako si Senadora Grace Poe na magtutulak siya ng mas maraming batas na magpapabuti sa kapakanan at kabuhayan ng mga Pilipinong naninirahan sa mga probinsiya.

Ito ang binitawang pahayag ni Poe sa pagbisita nito sa lalawigan ng Batangas kasama ang suporta nina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, asawa ng kongresistang si Vilma Santos-Recto at Gobernador Hermilando Mandanas.

“Sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at ng lehislatura, magsusulong tayo ng mga batas, polisiya at programang magpapayaman sa buhay ng mga Batangueño at iba pang kababayan natin sa mga lalawigan,” sabi ni Poe.

Nagpahayag naman ng malaking suporta si Ate Vi kay Poe na nagmula rin sa industriya ng entertainment tulad ng ama nitong si Fernando Poe Jr. o FPJ.

“Malaki ang iniangat ng kalidad ni Sen. Poe bilang lider mula nang magbalik sa bansa para ilaban ang kanyang ama na naging biktima ng Dagdag-Bawas sa halalang pampanguluhan noong 2004,” ani Ate Vi. “Ang pagpapakita niya ng malasakit sa mga kabataan at bata ay tunay at totoong ipaglalaban niya ang mga probinsiya para umangat ang buhay.”

Mula sa Batangas, nagtungo si Poe sa Calapan, Oriental Mindoro para dumalo sa inagurasyon ng Barangay Pachoca Multi-Purpose Building.