2 US investors, interesado sa Hanjin

Interesado ang dalawang malaking kompanyang Amerikano na isalba ang bangkaroteng Hanjin Heavy Industries and Construction Philippines (HHIC-Phil), na subsidiary ng isang Korean shipbuilder.

Ipinabatid ng court-appointed Hanjin receiver na si Atty. Rosario Bernaldo ang balita para matulungan ang problemadong shipbuilder ngunit hindi pa binanggit kung sino ang dalawang interesadong partido.

Gayunman sinabi ni Bernaldo na malaki ang grupo ng Amerikano na nais magpondo sa Hanjin. Nakikipag-usap na aniya ang grupo sa RCBC Group na may pinakamalaking pautang sa kompanya na umaabot sa $140 milyon mula sa kabuuang $412 milyong utang sa limang bangko sa Pilipinas.

Nasa $80 milyon ang pautang ng Land Bank of the Philippines sa Hanjin samantalang may $72 milyon at $60 milyon namang pautang ang Metropolitan Bank and Trust Co. at BDO Unibank, ayon sa pagkakasunod. Nagpautang din ang Bank of the Philippine Islands ng $52 milyon sa nasabing kompanya na nagdeklarang bangkarote sa unang bahagi ng Enero.

Idinagdag pa ni Bernaldo na isang American group ang bumubuo ng consortium sa Singaporean at Italian shipbuilder.

Bilang overseer ng HHCI-Phil, ipinaliwanag ni Bernaldo na ang joint venture sa lokal na shipbuilder at  bagong mamumuhunan ang may pinakamalaking tyansang maibalik ang operasyon ng problemadog South Korean shipbuilder.

“I want the workers to have employment again,” ani Bernaldo.

Bukod sa dalawang US group, interesado rin ang Dutch shipbuilder na Damen Shipyard Group na nagsagawa ng technical inspection sa Hanjin shipyard sa Subic Freeport at nakipag-usap na rin sa Department of Trade and Industry at Board of Investments (BOI).