Alternative media, humingi ng ayuda sa DICT

Nanawagan ang mga mamamahayag mula sa alternatibong news organizations sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na kumilos laban sa Distributed Denial of Service attacks sa kanilang mga website.

“We have reason to believe that the Duterte administration has orchestrated this cyber attack on websites of critical and independent media as part of its efforts to silence criticism and dissent against it,” pahayag ni Ronalyn Olea, Managing Editor ng Bulatlat.

Ginawa ni Olea ang pahayag kaugnay sa pagdiriwang ng World Day Against Cyber-Censorship at iginiit pang kabilang na rin ang cyber attacks sa mga alternatibong media sa pangkalahatang pag-atake sa press freedom sa bansa kagaya ng ginawa sa Rappler at ABS-CBN.

Ipinaliwanag ng Palasyo na hindi pag-atake sa press freedom ang isyu laban sa Rappler samantalang sinabi naman ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na buhat at maayos pa rin ang press freedom sa Pilipinas.

“Not content with fomenting disinformation and fake news, the Duterte administration is hell-bent on silencing what it considers as fierce critics and political opponents and goes to extreme lengths and harnessing even the power of the dark web,” sabi naman ni Jola Diones-Mamangun, Executive Director ng Kodao Productions.

Hindi naman sila nagbigay ng detalye kung bakit pinaghihinalaan nila ang pamahalaan sa pag-atake ng kanilang mga website.

Gayunman, sinabi nila na inatake na ng mga DDoS ang Bulatlat, Kodao Productions, Pinoy Weekly at Altermidya simula pa noong Disyembre 2018.

Ayon sa Electronic Frontier Foundation, layunin ng DDoS na pansamantalang hindi gumana ang kanilang mga online resources sa pamamagitan ng pagpuno ng mga ito ng sobrang traffic sa internet kaya hindi magamit ng mga regular nilang user.

“This is why we are here. We demand that they act on the attacks. Otherwise, we will be led to believe that NCERT and DICT are complicit in the attack on press freedom,” wika ni Rhea Padilla, Altermidya national coordinator.

Dumanas din ng labis na pag-atake ang mga website ng National Union of Journalists of the Philippines, Philippine Center for Investigative Journalism at ang Vera Files sa loob ng mga nakalipas na taon.