Sapin-saping kaso, isasampa laban kay Balutan

Matapos sibakin ni Pangulong Rodrigo Duterte, malaki pa ang problema ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Alexander Balutan dahil maaari itong sampahan ng sapin-saping kaso ng korupsiyon ng Malakanyang.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kapag may nakitang mga ebidensiya ay hindi puwedeng hindi makasuhan ang dating opisyal.

Ayon kay Panelo, kabilang sa mga paratang kay Balutan ang illegal solicitation, pagpapa-subcontract ng mga prangkisa at patuloy na operasyon ng small town lottery na naginging prente ng jueteng.

Idiniin ni Panelo na ang pagsibak kay Balutan ay babala sa lahat ng opisyal na pamahalaan na walang “sacred cow” sa administrasyong Duterte.

Binanggit naman ni Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson na dahil inanunsiyo ng Palasyo ang dahilan ng pagsibak kay Balutan, natural lamang na sundan ito ng kaukulang kaso.

“Since Malacañang has ­already cited and announce the reason for his sacking, it is incumbent upon them to file the necessary criminal charges for violation of the country’s anti-graft law,” diin ng senador.

Nagtataka naman ang senador kung bakit nasangkot sa katiwalian si Balutan dahil mataas ang pagtingin niya rito, lalo na noong tumestigo laban sa noon ay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo hinggil sa dayaan noong 2004 presidential elections.

“But when we conducted Senate hearings on the possible corruption in the PCSO under Balutan’s watch in relation to STL (small-town lottery) operations, I kept asking myself-what has happened to this man? If only his demeanor and other data gathered by our committees in those hearings, I am inclined to think there is basis in his sacking as PCSO Gen. Manager,” diin ni Lacson.