KAMPO NI GO, NAG-RELEASE NG PEKENG SURVEY RESULT

SWS nagbabala sa fake survey

Pinaalalahanan ng Social Weather Stations (SWS) ang publiko na mag-ingat sa mga lumalabas na pekeng SWS surveys lalo na nga at nalalapit na ang halalan sa Mayo.

“[SWS] again reminds the public that false reportage about SWS surveys is very common in the period leading up to an election,” ayon sa mensahe ng SWS sa kanilang official website, 10:38 ng gabi nitong Marso 7.

“Everyone is enjoined to rely only on the SWS website (www.sws.org.ph) for its advisories, announcements, and survey reports released to the public,” dagdag pa nito.

Ginawa ng SWS ang paalala sa publiko matapos lumabas ang sinasabing SWS survey na isinagawa noong Pebrero 25 hanggang 28.

Nang kapanayamin ng MindaNews, sinabi ni SWS President Mahar Mangahas na hindi sa kanila ang lumabas na survey at tanging sa opisyal na website lamang sila naglalabas ng kanilang mga isinagawang survey.

“It is unethical for you to use anything that is not on our website…Do not gratify propagandists who cannot back up their claims. Ask whoever released it to justify the release; whoever publishes something is legally bound to conform to Comelec full-disclosure rules on election survey publication,” sagot ni Mangahas nang kapanayamin ng Mindanews.

Binigyang diin tuloy ng SWS na marami talagang isinasagawang survey ang iba’t ibang grupo patungong halalan sa Mayo 13 na karamihan tuloy dito ang hindi legitimate ang operasyon.

Base sa pekeng SWS survey result, nanatiling nangunguna si Senadora Grace Poe na normal naman talagang nangunguna hindi lang sa SWS survey kundi maging sa Pulse Asia at sa higanteng RMN Stations Election Survey 2019.

At ayon pa rin sa pekeng SWS survey bagamat nanatiling nasa pangalawang puwesto ang isa pang reeleksiyonistang si Senadora Cynthia Villar, kapansin-pansin na inokupahan na ni dating Special Assistant to the President Bong Go ang pangatlong spot.

Batay naman sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism noong nakaraang buwan, si Go ang may pinakamalaking ginastos para sa pre-election campaign advertisements mula Enero 2018 hanggang Enero 2019.

Sa kabuuang 61 kandidato para senador, gumastos na si Go ng P422.5 milyon samantalang mayroon lamang siyang deklaradong net worth na P12.85 milyon.

Naglabas din ang kampo ni Go na “this reflects a continuous improvement from his 5th to 6th place ranking with 41 percent conducted by the same survey firm (on) January 23-26, 2019 and coming from a 15th-16th ranking back in December 2018.”

Samantalang hindi rin lumabas ang nasabing January 23-26 “SWS survey” sa mismong SWS website.

Para mahingan ng komento hinggil sa sinabi ni Mangahas, tinanong ng MindaNews si Go at sumagot ang dating opisyal na “Ask mo sino naglabas po.”

Nagpaliwanag ang MindaNews na ang kampo niya ang nagbigay sa kanila ng kaduda-dudang survey results sa pamamagitan ng press release na ipinadala sa kanilang e-mail at Viber group.

“No comment na ako. Nagpasalamat na ‘ko,” sabi naman ni Go.

Nagbabala ang SWS na mag-ingat sa mga survey interviewer na nagpapanggap na nagtatrabaho sa kanilang kompanya.

“SWS interviewers while on fieldwork wear a valid ID which clearly shows the logo and name Social Weather Stations, the interviewer name and signature, validity period of the ID, and name and signature of an SWS officer,” ayon sa SWS website.

Hinimok din nila na para makumpirma kung totoo ang SWS interviewers, tumawag lamang sa kanilang tanggapa sa 02-9264308; 02-9244456; 02-9244465 at hanapin si Josefina Tayactac o sa kanilang mobile pone 09999913518, fax number 02-9202181 o email address na sws_info@sws.org.ph.