Poe humanga sa Gensan studes

Patuloy ang pagbisita ni Senadora Grace Poe sa mga unibersidad para makasalamuha ang mga kabataang inaasahang magiging simula ng bagong henerasyon ng matatalino at responsableng mamamayan.

Sa pagtungo ni Poe sa General Santos City nitong Lunes, una niyang dinalaw ang mga estudyante ng Mindanao State University-Gen San Campus.

Dito napahanga ang reeleksiyonistang Senadora sa kakaibang sigla at angking talino ng mga kabataang mag-aaral sa lungsod na ito.  

“Iba ang enerhiya ng mga kabataan. Tinatanong nila ang pinakamahirap na tanong, kaya napapalitaw ang mga isyung dapat pang linawin,” pahayag ni Poe patungkol sa mga kabataang dumumog sa kanyang campus tour.

“Ang mga bata, hindi nahihiyang magtanong. Bilang isang lingkod-bayan, asahan ninyong hindi lamang ang sagot ko ang totoo, kundi pati ang ating paglilingkod,” dadag pa ni Poe.

At natural, kapag nasa GenSan, ang lugar na pinasikat ng Pambansang Kamao na si Senador Manny Pacquiao, nagtungo naman si Poe sa Public Market para Makita ang isa pang masarap na produktong ipinagmamalaki ng lungsod – ang sariwang tuna.

“Hindi kumpleto ang pagbisita sa GenSan, kung walang tuna. Asahan ninyo ang inyong suporta ay tutumbusan natin ng tunay na paglilingkod,” wika ni Poe sa mga taong nasa Public Market.

Bago ang kanyang pagbisita sa GenSan, una munang nagtungo si Poe sa Koronadal City para magbigay ng mensahe pagkatapos ng Flag Ceremony sa City Hall.