SSS, Philhealth sa mga tricycle driver, operator itinulak ni Poe

Umaasa si Senador Grace Poe na maihahabol pa bago matapos ang 17th Congress ang kanyang panukalang higit na mapakikinabangan ng mga tricycle driver at operator.

Sa sandaling maisabatas ang Senate Bill No. 1751 o Magna Carta for Tricycle Drivers and Operators, maaari nang ma-enjoy ng mga ito ang social insu­rance program at health bene­fit na ilalaan sa kanila ng gobyerno.

Ayon kay Poe, chairperson ng Senate committee on public service, may panahon pa ang Kongreso para maaprubahan ang pa­nukala oras na magbalik-sesyon sila pagkatapos ng halalan sa Mayo.

“For this purpose, sisikapin nating maipasa ito bago matapos ang 17th Congress kasi may panahon pa naman kami,” ani Poe.

Sa ilalim ng panukala, mandatory nang sakop ng mga state-run firm tulad ng Social Security System (SSS) at Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) ang mga tricycle driver at operator para sa patas na access nila sa social security at mga health care benefit.

Aatasan din nito ang mga pamahalaang lokal na bumuo ng simpleng proseso ng pagpaparehistro at one-stop shop na mangangasiwa sa lahat ng tran­saksiyon ng mga tricycle driver at operator.

Kabilang sa mga benepisyo ay ang tricycle maintenance program, vocational education sa auto mechanics at alternative livelihood at skills training­ program.