Travel pa more, isinulong ni Sen Poe sa expanded student fare discoun

Inihayag ni Sen. Grace Poe na makakakuha ng diskuwento sa eroplano ang mga estudyante kapag nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Senate Bill No. 1597 o ang panukala niyang Student Fare Discount Act

“Ang isang batas na isinusulong ko ang i-institutionalize ang 20-percent discount sa lahat ng estudyante hindi lamang sa jeep at bus kundi pati na rin sa eroplano kaya travel pa more,” sabi ni Poe kamakailan.

Si Poe ang co-author at co-sponsor ng Student Fare Discount Act na ini-reconcile sa House Bill No. 8885 na inaprubahan at naghihintay na lamang ng lagda ni Duterte.
Kapag batas na, lahat ng estudyanteng Pilipino mula elementarya at kolehiyo kabilang ang nasa technical at vocational schools ay makakakuha ng 20 porsiyentong diskuwento sa mga bus, jeepneys, taxis, tricycles, transport network vehicle services, shuttle services, railway services, gayundin sa  airline at passenger ships kahit weekends at holidays.
“Isa ako sa nagsusulong ng mga proyekto para sa kapakanan ng mga estudyante at iba pang nangangailangan ng tulong,” diin ni Poe.
Si Poe rin ang pangunahing awtor ng batas na nag-aalis ng government fees  sa pre-employment documents tulad ng police clearance, National Bureau of Investigation (NBI) clearance at tax identification number.

“Para sa first time graduates, ang lahat ng government permits ninyo—NBI clearance, barangay clearance etc. ay libre na dahil sa aking panukalang batas,” dagdag ni Poe.