Internal cleansing sa PNP, tuloy pa rin

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) sa publiko na patuloy ang kanilang internal na paglilinis pagkatapos lumabas sa isang sarbey na karamihan ng mga Filipino ang naniniwalang ilan sa kanilang mga kasapi ang sangkot sa ilegal na droga at extrajudicial killings.

Sa isang panayam kay PNP Director General Oscar Albayalde, inatasan niya ang mga regional director na ipagpatuloy ang pagmomonitor sa kanilang mga tauhan at putulin kaagad ang anumang maling gawain ng mga ito.

“Mahigpit nating winarningan ang mga regional directors na kung merong gumagawa sa kanilang hanay ng ganyan ay itigil nila ‘yan dahil hindi tayo mag-aatubili na parusahan ‘yung mga pulis na makita natin na gumagawa ng ganyan,” pahayag ni Albayalde.

Idinagdag pa ng opisyal na hindi sila tumitigil sa pagsisiyasat sa mga reklamo at alegasyon sa mga miyembro ng PNP.

“Hindi natin sinasawalang bahala ‘yung allegations ng mga kababayan natin. Iyan naman ay iniimbestigahan natin,” ani Albayalde.

Iginiit naman ni PNP Spokesperson Senior Superintendent Bernard Banac na tuloy ang kanilang paglilinis sa pagtanggal ng mga tiwaling pulis.

“Patuloy ang ating internal cleansing, ‘yung ating kampanya dito, lahat ng mga pulis na may pagkakamali, pagkakasala at paglabas sa batas ay ating kinakasuhan at sinisibak sa serbisyo. Napakaliit na porsiyento nito sa buong hanay ng Philippine National Police subalit ang nagbibigay ng masamang imahe sa atin kaya patuloy ang ating internal cleansing campaign,” wika ni Banac.