Industriya ng bigas, dapat pang palakasin—Sen. Grace Poe

Naniniwala si Senadora Grace Poe na kahit inamin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na habambuhay na tayong aangkat ng bigas ay magagawa pa ring makabangon ang ating mga magsasaka para magkaroon tayong ng rice sufficiency sa hinaharap.

Inihayag ni Duterte na habambuhay nang aangkat ng bigas ang Filipinas mula sa mga karatig-bansa sa mga nagsidalo sa  1st National Assembly ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas sa Pasay City kamakailan.

Ayon kay Duterte, nakaaapekto sa produksiyon ng bigas ang kapayapaan at food security  lalo’t nakadepende sa agricultural production ng Mindanao ang self-sufficiency ng bansa sa pagkain.

Sa pahayag mula sa Zambonga City nitong Pebrero 26, idiniin ni Poe na dapat panatilihin ang National Food Authority (NFA) na bibili ng produktong palay ng ating mga magsasaka at dapat palakasin ang mekanisasyon sa pagsasaka na tiniyak sa Rice Tariffication Law.

Diin ni Poe: “Mayroon naman talagang dapat na safety nets, like NFA will remain there precisely to still buy from our farmers but this time, because of the money that the government can subsidize the farmers with, hopefully makakapagkumpitensiya ang mga farmers natin sa mekanisasyon, ‘yun ang talo tayo. Kaya hanggang ngayon kung makikita mo, libre nga ang irigasyon pero hindi naaabot ng tubig kasi kulang pa rin tayo sa distribution facility so hopefully mabantayan nang hindi kurakutin ang pera at dumiretso sa mga magsasaka dahil kapag dumiretso ‘yan, I’m almost sure that our farmers can be more competitive.”

Hindi rin naniniwala si Agriculture Secretary Manny Piñol sa pahayag ni Duterte kaya nasa poder niya ang pagpapatupad ng mga programa sa bagong batas upang mapalakas ang industriya ng bigas at mapaniwala ang Punong Ehekutibo na umaangat ang rice production sa bansa sa antas na 3.5 porsiyento kada taon.

Sa katunayan, ani Piñol, ay lumalago pa ang rice industry ng bansa

“In-accurate ‘yung ibinigay sa kanyang info sapagkat ang totoo niyan ang rice industry in the Philippines has been growing at the rate of 3.5 percent per year, actually ang sinabi niya hindi raw natin ma-a-achieve ‘yung rice sufficiency, sinabi ko rin sa kanya ‘yan eh, ang sabi ko, actually, sir, maski i-implement natin sa programa na ito, the longest that we can actually achieve rice sufficiency would be 1-2 years sapagkat aabutan tayo ng population growth,” dagdag ng kalihim.