Metro Manila Subway project, lalarga na

Nakamit ng pinagsamang kompanya ng Japanese at Filipino ang kontrata para idisenyo at gawin ang unang yugto ng Metro Manila Subway project, na sisimulan ngayong linggong ito.

Ipinahayag ng Department of Transportation (DOTr) na nilagdaan na nila ang kontrata ng pagdisenyo at konstruksiyon ng unang tatlong istasyon ng Metro Manila Subway sa joint venture ng Shimizu Corp., Fujita Corp., Takenaka Civil Engineering Co. Ltd. at EEI Corp.

“Our countrymen will finally see that the dream of a railway system running underground in this country is soon becoming a reality. Of course there will be some inconvenience along the way, but that is nothing compared to the long-lasting comfort this project will bring to the Filipino people,” sabi ni Transportation Secretary Arthur Tugade.

Pangangasiwaan ng joint venture ang partial operability section ng proyekto na kabibilangan ng tatlong underground station sa Quirino Highway, Tandang Sora at North Avenue gayundin ang istruktura sa loob ng tunnel, ang depot sa Valenzuela at pagtatayo ng mga gusali at pasilidad para sa Philippine Railway Institute.

Pinupuntiryang buksan ang artial operability ng tatlong istasyon ng subway sa taong 2022 habang makokompleto ito sa 2025.

Sa unang taon pa lang ng full operation nito, inaasahang maseserbisyuhan ng rail system ang may 370,000 pasahero araw-araw at kayang silbihan kalaunan ang kabuuang 1.5 milyong biyahero kada araw.

Nakatakdang gawin ang ground breaking ngayong Miyerkules, hindi lamang magsisilbing kauna-unahang underground railway ang P357-billion Metro Manila Subway kung hindi pinakamalawakang sistema ng operasyon dahil may habang 36 kilometro kasama ang 15 istasyon, tatawid sa pitong lokal na pamahalaan at dadaan din sa tatlong business district station sa Metro Manila.

Magsisimula ang istasyon sa Quirino Highway patungong NAIA Terminal 3 sa Pasay City at FTI sa Taguig.

“It is our honor to assist the government of the Philippines to implement this historical flagship project in Metro Manila. We appreciate the fact that our Japanese technology will be utilized for this project and make Filipino people’s life better by mitigating congestion in the city with safe and punctual Japanese railway culture,” pahayag naman ni Japan International Cooperation Agency (JICA) Philippines chief representative Yoshio Wada.

Nilagdaan ng JICA at ng Pilipinas noong Marso ang ¥104.53-billion (P51.34 billion) loan agreement para sa konstruksiyon ng unang yugto ng Metro Manila Subway project.