Chinese illegal workers, tututukan ng Senado

Dahil sa panawagan nina Senadora Grace Poe at Senador Joel Villanueva na magsagawa ng mahigpit na pagtugis sa mga dayuhang nagtatrabaho nang ilegal sa bansa sa harap nang walang humpay na pagdating ng mga Chinese sa Pilipinas, sinimulan muli ng Senado ang pagbusisi sa mabilis na pagdami ng mga ilegal na manggawa sa bansa mula China.

Sa pangunguna ni Villanueva, chair ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, ipinagpatuloy nitong Huwebes ang pag-imbestiga sa nakapagtatakang insidente ng mataas na pagdating ng mga Chinese para magtrabaho nang ilegal.

Unang ginawa ng Senado ang pagdinig noon pang Nobyembre 26 matapos ang pagkakaaresto ng 93 Chinese sa isang illegal gambling center sa Pasig City.

Nagdesisyon ang nasabing komite dulot ng magkasunod na insidenteng kinasangkutan ng dalawang Chinese kagaya ng isang babaeng nambato ng taho sa isang pulis na nakabantay sa MRT-3 at ng lalaking sinasabing nangmolestiya ng tatlong kababaihan sa amusement park sa Pasay City.

Kabilang sa mga dumalo sa ginawang senate hearing sina Labor Secretary Silvestre Bello III at Immigration Commissioner Jaime Morente.

Naroon din bilang mga resource person sina Bureau of Internal Revenue Commissioner Cesar Dulay, na kinatawan ng kanyang mga abogado mula Legal and Legislative Commission; Philippine Amusement and Gaming Corporation Chair Andrea Domingo, na kinatawan naman ni Offshore Gaming Senior Manager Victor Padilla.

Imbitado rin ang mga opisyales ng pulisya na sina Senior Supt. Romeo Espero Jr., chief of the Foreign Liaison Division; Chief Supt. Ferdinand Divina, Deputy Director of Directorate for Intelligence; at Chief Supt. Joselito Daniel, Deputy Director for Police Community Relations.