Pangasinense studes, all-out kay Poe

Ipinakita ng mga kabataang estudyante ng Pangasinan ang kanilang marubdob na pagsuporta kay Senadora Grace Poe na bumisita sa dalawang pangunahing unibersidad ng lalawigan nitong Martes ng umaga.

Sa pagdalawa ni Poe, tila tumigil ang galaw ng mundo para sa mga mag-aaral ng dalawang pinakamalaki at pinakamatandang pamantasan sa lalawigan, ang Pangasinan State University (PSU) at ang Virgen Milagrosa University.

Labis naman ikinatuwa ng senadora ang ginawang mainit na pagtanggap sa kanya ng mga mag-aaral ng nasabing mga unibersidad.

“Salamat sa mainit na pagtanggap ng ating mga kabataan mula sa Pangasinan State University at Virgen Milagrosa University. Ang makasama kayo at makapalitan kayo ng mga ideya ay nagbibigay sa atin ng inspirasyong ipagpatuloy ang paglilingkod sa bayan,” masayang sinabi ni Poe.

Bukod sa paglatag ng kanyang mga plataporma, nakipagtalastasan din ang senadora sa mga masisiglang estudyante na walang tigil sa pagtatanong kay Poe tungkol sa kanyang mga nagawang batas sa Senado gayundin para sa mga isusunod pa niyang mga hakbang upang makamit ang pagbabago at kaunlaran ng bansa.

May tinatayang 22,250 mag-aaral, nakita sa ekspresyon ng mga estudyante ng PSU ang kaligayahang makapiling nila si Poe na nagsisikap makapaglingkod sa pangalawang termino niya sa Senado.

Ikinatuwa naman ng kabataan mula Virgen Milagrosa University na palaging nangunguna si Poe sa mga survey simula pa nang magsumite ito ng kanyang certificate of candidacy noong Oktubre 2018.

Isang bagay anila na magdadala ng tagumpay ni Poe sa May election dulot ng matapat at malinis nitong paglilingkod sa bayan.