Taga-Tondo, todo suporta sa mga aksiyon ni Sen. Poe

Sa unang araw ng pangangampanya ni Senadora Grace Poe, pinili niya ang Tondo sa Maynila bilang opisyal na pook ng kanyang proclamation rally noong nakaraang Miyerkules sa tangka niyang muling makapaglingkod sa Senado sa ikalawang termino.

Kasama ang mga kapwa reeleksiyonista, inilatag ni Poe ang kanyang plataporma at mga batas na naisakatuparan dulot ng kanyang matapat na paglilingkod sa taong bayan.

“Muli kong inaalay ang aking sarili para maglingkod sa inyo sa Senado dahil marami tayong nasimulan na gusto nating ipagpatuloy,” pahayag ni Poe sa harap ng libo-libong taga-Tondo na dumumog sa kanilang proclamation rally.

Inihalimbawa pa ng senadora ang kanyang marubdob na paglilingkod sa mga aral na itinuro ng kanyang yumaong ama at Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe Jr. “Sa pelikula ni FPJ, kapag napasadahan na ng suntok ang mga siga at sanggano, kapag namatay na ang kontrabida, tapos na ang sine. Sa ating bansa, hindi pa nauubos ang mga magnanakaw, ang mga nagsasamantala, ang mga nakanganga at manhid sa paghihirap ng kapwa. Hindi pa tapos ang laban,” ani Poe na consistent Number 1 sa mga elections survey na lumalabas.

Hiniling din ni Poe na muli siyang pagbigyan ng masang Pilipino upang maipagpatuloy niya ang mga nasimulang pakikibaka para sa kaunlaran at ikabubuti ng buong sambayanan.

“Hinihingi ko ang inyong suporta para sa ikalawang termino natin sa Senado para tapusin ang ating mga nasimulan, para ituloy ang aksiyon para sa kapakanan ng mga kabataan, kababaihan, mga mananakay at karaniwang konsumer. Ako po si Grace Poe, at tuloy Poe ang aksiyon sa Senado para makapaglingkod sa inyo,” pagwawakas ni Poe.