Grace Poe, matatag sa No. 1 sa Pulse Asia survey

NANGUNGUNA pa rin sa pinakapinipi­ling kandidato sa pagka-senador ang reeleksiyonistang si Sen. Grace Poe, batay sa bagong survey na isinagawa ng Pulse Asia para sa nalalapit na 2019 elections.

Nakakuha ng 74.9 porsiyentong (%) vote preference si Poe at hindi natinag sa unang posisyon ng listahan ng mga kumakandidatong senador.

Malayo naman ang agwat ng sumunod kay Poe na si Sen. Cynthia Villar na nakakuha ng 60.5% ng boto mula sa mga tinanong..

Sumunod kina Poe at Villar ang mga nagbabalik sa Senado na sina Taguig City Rep. Pia Cayetano at da­ting senador Lito Lapid na statistically tied sa ikatlo hanggang ikaanim na puwesto sa natamong 53.3% at 53% na sinundan din ni Sen. Nancy Binay (50.1%)

Pasok sa Magic 12 sina Sen. ­Edgardo ‘Sonny’ Angara (48.8%), Sen. Koko Pimentel (45.5%), Bong Go (44.7%), Jinggoy Estrada (44.3%), Mar Roxas (41.8%), Ilocos Rep. Imee Marcos (41.2%), ­dating senador Bong Revilla (40.2%), Sen. Bam Aquino (38.5%), dating senador Serge Osmeña (37.7%) at dating Police Chief Bato Dela Rosa (36.9%).

Isinagawa ang survey simula ­Enero 26-31, 2019 sa may 1,800 respondents.

Sinabi naman ng political strategist Perry Callanta na mahirap na talagang bakbakin si Poe  sa pagiging No. 1 sa mga survey dahil sa kanyang ipinakitang political will sa malalaking isyu tulad ng pag-iisa niya sa Senado na hindi pagpayag na ibaba ang minimum age of criminal responsibility mula sa 15-anyos.

“Kita naman natin na nang una siyang tumakbo sa Senado noong 2013 ay nanguna siya sa botong mahigit 20 milyon,” ani Callanta. “Nakakatulong kay Poe hanggang ngayon ang ‘FPJ Magic’ dahil simbolo siya ng laban ng kanyang amang si Fernando Poe, Jr. na nadaya sa pamamagitan ng dagdag-bawas nang tumakbo itong pangulo noong 2004.”