Illegal campaign posters, binaklas ng Comelec

Sinimulan ng Commission on Elections (Comelec) ang pagtatanggal sa mga illegal campaign material na sobrang laki sa sukat o inilagay sa mga ipinagbabawal na lugar.

Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, magtatalaga sila ng dalawang magkahiwalay na grupo para suyurin ang buong Kamaynilaan.

“Mag-iikot ang dalawang team ng Comelec. Isa papuntang norte, isa papuntang south para makunan ng mga litrato ‘yung mga posters at mga billboards na nakatirik pa rin hanggang ngayon despite being given notice to be taken down,” pahayag ni Jimenez sa isang media forum.

Ipinaliwanag ni Jimenez na ginagawa nila ito upang malaman ng mga kandidato na nilalabag nila ang alituntunin at regulasyon ng Comelec hinggil sa mga campaign material.

“So ang purpose natin dito ay para maestablish natin na mayroong paglabag na nagaganap. Alam ko marami sa mga kababayan natin napu-frustrate na kasi medyo matagal-tagal nang hindi sinisita itong mga ‘to. Pero wala tayong magagawa sadyang bago mag-February 12 pinapayagan talaga siya,” sabi pa ng tagapagsalita.

Nagsimula ang opisyal na pangangampanya ng mga national candidate para sa May 2019 election noong Martes, Pebrero 12. Binigyan sila ng Comelec ng hanggang Huwebes, Pebrero 14, upang tanggalin ang kanilang mga illegal campaign posters.

“So ngayong bawal na siya, gumagawa na tayo ng hakbang para matanggal ‘yung mga materials na yan at para masabihan ‘yung mga kandidato na kailangan na nilang sumunod sa ating campaign regulations,” ani Jimenez.

“Kung mapapansin niyo, nag-start na kami mag-post sa social accounts namin ng mga litrato ng mga out of place and out of size posters. At kung makikita ninyo, may mga hawak na diyaryo ‘yung tao. Yung dyaryo na ‘yun, proves that this was taken today. Kasi headline ng dyaryo today ‘yun eh. That proves that date of the image. That is going to be evidence. We will then write a letter informing the candidate of this violation. And then we will take down the material,” anang Comelec official.

Sa bisa ng Comelec Resolution 10488, hindi maaaring mas malaki ang mga poster para sa midterm elections kaysa pinahihintulutan lamang na 2’ x 3’ at dapat ding ilagay sa mga common poster area.

Malimit makikita ang common poster areas sa palibot ng pampublikong pamilihan at parke. Ipinagbabawal naman ang paglalagay ng campaign materials sa mga foot bridge, puno at poste ng koryente.