Pag-aresto kay Ressa, puno ng lisya at manipulasyon ng batas

Kinondena ng iba’t ibang organisasyon ng mga mamamahayag sa Pilipinas at maging sa ibang bansa ang ginawang pag-aresto kay Rappler CEO at executive editor Maria Ressa dahil sa kasong cyberlibel nitong Miyerkules ng hapon.

Dahil hinuli ng mga awtoridad ilang oras makalipas ang alas 5 ng hapon, hindi nakapagpiyansa si Ressa at napiit ng magdamag sa National Bureau of Investigation.

Ginawa ng pulisya ang pag-aresto sanhi ng isang artikulo hinggil sa isang negosyante at nailimbag noong 2012. Nasa ilalim ng anti-cybercrime law ang kaso na hindi pa epektibo nang mailimbag ang nasabing artikulo.

Iginiit ng Center for Media Freedom and Responsibility na nagpakita ng malisya at manipulasyon ng batas ang administrasyong Duterte sa pag-aresto kay Ressa nang sarado na ang mga tanggapan upang hindi siya makapagpiyansa.

Sinabi naman ng Foreign Correspondents Association of the Philippines na nanganganib ang kalayaan ng pamamahayag na matagal ding ipinaglaban ng lahat at palaging handing ipagtanggol bunsod ng pinakahuling estratehiyang legal ng pamahalaang Duterte.

“Our members will always stand against any move, explicit or otherwise, that is designed to undermine the freedoms that are a lifeline to truly free, relevant and courageous journalism,” dagdag pa ng organisasyon.

Binatikos din ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang ginawang paghuli kay Ressa na isang walang kahihiyang pagkilos ng persekusyon ng isang mapang-aping pamahalaan.

“This government, led by a man who has proven averse to criticism and dissent, now proves it will go to ridiculous lengths to forcibly silence a critical media and stifle free expression and thought,” anang NUJP.

Hindi naman katanggap-tanggap ang ginawang pag-aresto kay Ressa, pahayag ng Reporters Without Borders (RFS) nitong Huwebes ng umaga.

“Digging up an old case that was dismissed in February 2018 is absolutely absurd and confirms that this is not justice but an attempt to gag a media outlet and editor recognized internationally for their professionalism and independence,” wika ni RFS Secretary General Christophe Deloire.

Inatake naman ng Human Rights Watch ang administrasyong Duterte at hiniling ang tulong ng buong daigdig sa panggigipit kay Ressa at sa Rappler.

“Governments concerned about the thousands killed in the ‘drug war’ and the media’s ability to report on this and other abuses need to publicly demand Ressa’s release and the dropping of all charges,” sabi ni Carlos Conde, HRW Asia division.

Maaaring makulong ang mapapatunayang nagkasala ng libelo ng maximum penalty na 12 taon.

Higit pang bumigat ang dalahin ni Ressa at ng Rappler na naunang kinasuhan ng pamahalaan ng kasong tax evasion at mga isyu tungkol sa foreign ownership nito sa Securities and Exchange Commission (SEC).