Chinese stude na nambato ng taho sa pulis, kinasuhan ng direct assault

Inaprubahan nang isang piskal ang kasong direct assault kontra sa dayuhang estudyante na nambato ng taho sa pulis na nakatalaga sa Boni Avenue station ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3).

Sa isang pahinang resolusyon, inirekomenda ni Senior Assistant City Prosecutor Leynard Dumlao na kasuhan ang Chinese student na si Zhang Jiale ng direct assault.

Aprubado naman kay City Prosecutor Bernabe Augustus Solis ang ginawang rekomendasyon ni Dumlao.

Ayon kay Dumlao, nakitaan niya ng probable cause upang kasuhan si Zhang dahil sa ipinakita nitong seryosong karakter na isang indikasyon ng determinasyon ng respondent para labagin ang batas at mga kinatawan nito.

Tinukoy din ng piskal ang ginawang pambabato ni Zhang ng plastic cup na may taho kay PO1 William Cristobal, na kasalukuyang naka-duty sa Boni Ave. station.

“Ang ginawa niyang pagkilos ay kinokonsidera nating sinadya at seryosong pakikipaglaban sa isang pulis na tinutupad lamang ang kanyang tungkulin ng mga oras na iyon,” wika ni Dumlao.

“It is offensive both by legal and moral norm considering that there was no provocation on the part of the police officers,” dagdag pa ng piskal ng Mandaluyong.

Gayunman, ibinasura naman ni Dumlao ang reklamo ng disobedience at unjust vexation dahil nakapaloob na rin ito sa kasong direct assault.

Base sa Article 148 ng Revised Penal Code, maaaring makulong ang sinumang kasuhan ng direct assault ng medium hanggang maximum prision correccional o katumbas ng walo hanggang 12 taon at magmumulta rin ng P1,000.

Pinag-aaralan na rin ng Bureau of Immigration (BI) na kasuhan ng deportasyon si Zhang para dalhin sa BI Board of Commissioners na magdedesisyon ng kasong ito.

 

Kung made-deport, mapapabilang na si Zhang sa BI watchlist.

Labis naman ngayon ang paghingi ng paumanhin ni Zhang, na nag-aaral ng fashion design at anim na taon nang naninirahan sa bansa, at hiniling na mabigyan siya ng panibagong pagkakataon.

“I’m really in bad mood and I was not able to control my emotion. I really admit the mistake I made and I feel so regretful. I’m really really sorry. And I really ask if it’s possible to have another chance for me,” sabi ni Zhang.

Talagang nasa huli ang pagsisisi, tsk, tsk.