Grace Poe, kahanga-hanga sa pagsusulong sa mga kabataan

Tunay na kapuri-puri ang pagpapahalaga ni Senadora Grace Poe sa mga bata at kabataan ng ating bansa kaya naman siya ang laging nangunguna sa pitong survey hanggang nitong Enero.

Iginiit ni Sen. Poe ang lubos na pagpapatupad ng iniakda niyang Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act para sa malinis masustansiya, masarap, at mainit na tanghaliang libre sa mga bata sa public schools sa buong bansa..

“Pagmamahal sa mga bata, natutuhan ko iyan sa aking ama (Fernando Poe Jr.)  kaya isa sa batas na ipinasa natin sa Senado ay tulong para sa kinabukasan nila,” ani Poe kaugnay Republic Act No. 11037 o National Child Feeding Law para sa mga mag-aaral sa elementarya sa pampublikong paaralan.

Para kay Poe, wala dapat gutom na bata sa mga paaralang elementarya sa buong bansa kaya una niya itong ipinanukala sa Senado at naging batas nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo 20, 2018.

Dagdag ni Poe: “Kaya nga sa unang araw ko sa Senado, itinulak ko ang pagpasa ng batas na ito dahil walang kapatawaran kung hindi nating matutugunan ang pagkagutom ng mga batang mag-aaral. Ang libre at masustansiyang pagkain para sa kanilang anak ay makapagpapagaan sa dalahin ng mahihirap na pamilya sa buong bansa.”

Kaya nga laking pasasalamat ni Sen. Poe sa kanyang ama na si FPJ na naging adbokasiya rin noong nabubuhay pa ang iniakda niyang First 1000 Days na magpapalakas sa nutrisyon ng lahat ng bata sa unang 1,000 araw ng kanilang buhay.

Tinawag ding Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act, ang Republic Act 11148 ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang Nobyembre 29.

Idiniin ni Poe na sa RA 11148 ay mapagkakalooban ng wastong pag-aaruga ng ina ang lahat ng sanggol sa ating bansa sa ilalim ng child health care program upang mahadlangan ang pagkabansot at malnutrisyon ng mga bata.

“Sa wakas, batas na ang ating pet legislation, ang First 1000 Days! Para ito sa lahat ng ina at bata, ngayon at sa mga susunod na henerasyon. Thank you, Lord, at sa lahat ng nakipagtulungan para matupad ang pangarap nating ito para sa ating mga kababaihan at kabataan,” sabi ni Poe sa kanyang Facebook page.

“Iniaalay ko sa alaala ng aking amang si FPJ ang pet bill kong ito na inaatasan ang pamahalaan na gawing prioridad ang nutrisyon ng mga buntis at nagpapasusong mga ina, lahat ng sanggol at mga bata,” ani Poe. “Alam kong masaya ang aking ama sa kabilang buhay dahil ito ang ipinangako niya nang tumakbong Presidente noong 2004.”

Patuloy na isinusulong ni Sen. Poe ang karapatan ng mga bata at kabataan kaya kahit nag-iisa siya sa paninindigan sa Senado na hindi dapat ibaba ang minimum age of criminal responsibility mula sa 15-anyos ay ipinagdiniinan niya ito.

Kaya lubos na kahanga-hanga si Sen. Poe sa kanyang pagtangkilik sa mga kabataan sa ating bansa at walang dudang siya ang mangunguna sa halalan para sa Senado sa Mayo 13 dahil iboboto siya ng kanyang kinakalinga—ang mga kabataan sa buong bansa.