Duterte, umamin ding sariling gobyerno niya ang kalaban sa anti-drug war

Inamin na ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang sarili niyang gobyerno ang mismong katunggali niya sa pakikipaggiyera laban sa ilegal na droga.

Bagong luklok pa lamang si Duterte bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas, nangako siyang dudurugin ang illegal drug trade sa loob lamang ng tatlong buwan. Hindi nagtagal, humingi pa siya ng anim na buwang ekstensiyon para lupigin ito dahil hindi niya akalaing napakalaki ng problema sa droga ng bansa.

Sa kanyang talumpati sa Legazpi City, Albay nitong Biyernes, sinabi ni Duterte na nagkamali siya nang gawin ang pangsariling deadline sa paglupig sa ilegal na droga.

“Nagyabang ako na kaya kong tapusin ang illegal drug trade in six months. Ang akala ko talaga noon kaya,” anang Pangulo.

“How can I solve it in six months, mga kalaban ko nasa Bureau of Customs, police generals. They’re all in [Ninoy Aquino International Airport]. Ang kalaban ko is my own government,” sabi pa ni Duterte.

Sa gitna ng maigting na pakikipaglaban ng administrasyong Duterte sa ilegal na droga, bilyon-bilyong pisong halaga ng methamphetamines o shabu ang palihim pa ring nakapasok sa Bureau of Customs ng dalawang beses sa loob ng dalawang taon.

Para naman sa mga human rights watchdogs, naniniwala silang karamihan ng mga napaslang sa madugong anti-narcotic drive ay isinakatuparan ng mga pulis gamit ang extrajudicial killing, isang bagay na mariing pinabulaanan ni Duterte.