Kotongan sa PITX, bubusisiin ni Poe

Nangako si Senadora Grace Poe na iimbestigahan nilang mabuti sa Senado ang sinasabing iregularidad sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) kung saan may ilegal na kolektahan ng pera kapalit ng prangkisa ng mga public utility vehicles (PUVs).

Sa naganap na hearing noong Miyerkules sa Senate committee on public services na pinamumunuan ni Poe, ibinulgar ng pangulo ng Samahan ng mga Malls Integrated Transport Terminal na si Mar Valbuena ang lagayang nangyayari sa PITX.

“Yung miyembro po namin iniipon po nila [PITX members] para mapangakuan po ng makakapasok kayo sa PITX. Kailangan lang magbigay kayo ng ganitong amount. Ang sinasabi po niya eto sigurado mabibigyan kayo ng prangkisa,” reklamo ni Valbuena.

Idinagdag ni Valbuena na humihingi ang mga opisyales ng PITX sa kanilang mga PUV operators ng P250,000 para makapag-apply sila ng prangkisa.

“Merong mga tao sa PITX sisingilin kami ng P250,000 per franchise. Paano namin mababawi itong P250,000? Tapos naghuhulog pa kami para sa aming sasakyan,” anang pangulo ng transport group.

Sa pagkakataong ito, hinimok ni Poe na maglabas ng ebidensiya ang grupo upang maaksiyonan ng Senado ang katiwaliang nagaganap sa PITX.

“To be fair, you should present evidence. ‘Di lang puwede ang hearsay. Kung meron kayong video, kung may witness ganitong oras, meron bang CCTV,” sabi ni Poe sa hearing.

Mariin namang tinanggihan ni Atty. Marcelo Salud, PITX transport marketing consultant, ang mga akusasyon ng transport group.

“Wala pong nagongolekta. Idine-deny namin lahat iyan. Kaya po namin tinutulungan lahat ng gusto mag-apply ng prangkisa,” paliwanag ni Salud.

Naniniwala naman si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chief Martin Delgra, na dumalo rin sa nasabing pagdinig sa Senado, na pinagmumulan talaga ng korupsiyon ang pagbebenta o paglipat ng prangkisa samantalang dapat na libre lamang ito.

“One of the source of corruption is sale and transfer. ‘Yung pagbebenta ng prangkisa, we put a stop to that because that’s against public policy and a privilege given for free should not be sold for something valuable,” sabi ni Delgra.

Nag-isyu na noon pa man ang LTFRB ng Memorandum Circular No. 2016-010 para ipagbawal ang pagtanggap ng application for sale and transfer of certificate of public convenience (CPC) mapaboluntaryo man o hindi.

Ginawa ito ng ahensiya upang maitigil ang komersiyalisasyon ng CPC sa nakasanayang pagbebenta ng prangkisa para pagkakitaan.