Sotto nauumay na sa isyu ng pork sa 2019 budget

Nagbanta si Senate President Vicente Sotto III nitong Miyerkules na iaatras nila ang Senate version ng draft ng P3.8-trilyong nasyonal na badyet mula sa deliberasyon ng bicameral committee.

Sinabi ni Sotto na aatasan niya si Senadora Loren Legarda, chair ng Senate finance committee, na i-withdraw ang bersiyon ng Senado sa expenditure program at gamitin na lamang ang reenacted budget.

“I hope that [this] will erase all doubts and allegations of pork and other so-called insertions in the budget,” sabi ni Sotto sa kanyang text message sa mga mamamahayag.

“I’m sick and tired of the allegations,” dagdag pa ng Senate President.

Ang pork, tinatawag ding Priority Development Assistance Fund (PDAF), ang lump sum appropriation na ginagamit ng mga mambabatas para pondohan ang kanilang pet projects.

Natengga na ang pagpapasa ng badyet simula pa noong Disyembre matapos ang mga alegasyon na nakapaloob dito ang pork para sa mga kuwestiyonableng government projects.

Dahil sa banta ni Sotto, tumaas ang espekulasyon na gagamitin na lamang ang reenacted budget hangga’t hindi nagkakasundo ang Senado at House of Representatives.

Naganap ito isang araw matapos ipabatid ni Senador Panfilo Lacson na nakipagkompromiso ang ilang mga senador para maprotektahan ang P23 bilyon sa mga individual amendments para sa infrastructure projects na maaaring tukuyin bilang pork.

Noong 2013, dineklara ng Korte Suprema ang punong-puno ng katiwaliang PDAF na unconstitutional.

Mabilis namang sinuportahan ni Lacson ang desisyon ni Sotto.

“He must be as frustrated as I am, as well as most of our like-minded colleagues, that pork has not left the annual budget even after the [Supreme Court] ruling outlawing the same in a landmark decision,” sabi ni Lacson.

Tinanggihan naman ni Minority Leader Franklin Drilon ang reenacted budget habang ikinokonsidera ni Legarda ang pahayag ni Sotto.

Naniniwala naman si Senador Ralph Recto na hindi makabubuti ang reenacted budget para sa job creation.

“Mababalaho ang pag-unlad ng ating ekonomiya at maaapektuhan din ang Build, Build, Build program ni Pangulong Duterte,” ani Recto.

Samantala, nais ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na maaprubahan ang proposed P3.8-trillion budget ng Kamara bago mahuli ang lahat.

Ni-reject din ni House appropriations panel chair Rolando Andaya Jr., lider ng House contingent sa conference committee, ang panukala ni Sotto at sinabing isang internal na Senate affair ang hindi pagkakasundo ng mga senado sa badyet.