‘Pinas, nagpasalamat sa pakikiramay ng internat’l community sa mga biktima ng Jolo twin bombings

Malugod na tinanggap ng Pilipinas ang pakikiramay ng international community matapos ang karumal-dumal na pambobomba sa isang cathedral sa isla ng Jolo, Sulu noong Linggo.

Kinondena ng United Nations Security Council (UNSC) ang twin bombing sa Our Lady of Mt. Carmel Cathedral na ikinamatay ng 21 biktima at dose-dosena pa ang naiwang sugatan.

“The Philippines appreciates the expressions of sympathy and solidarity from the Security Council and the other member-states of the United Nations. The Philippines and the Filipino people stand solidly with the rest of the international community in the fight against terrorism and violent extremism,” ayon sa opisyal na kalatas ng Department of Foreign Affairs.

Iginiit ng UNSC na nananatiling pinakamapanganib na banta ang terorismo sa international peace at security.

Hinimok din ng UNSC na makipagtulungan ang lahat ng bansa sa Pilipinas upang makamit ang katarungan laban sa mga nagsagawa ng pambobomba sa Jolo.

“The members of the Security Council reiterated that any acts of terrorism are criminal and unjustifiable, regardless of their motivation, wherever, whenever and by whomsoever committed,” anang council.

Naunang nagpadama ng pakikiramay si UN Secretary-General António Guterres sa lahat ng pamilya ng biktima at nanawagang madala sa hukuman ang mga maysala.

Mariiing kinondena rin ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau ang sabay na pambobomba na tinawag niyang “despicable act of cowardice” habang nais naman ni Russian President Vladimir Putin na maparusahan ang mga mastermind at nagsagawa ng terorismong pagkilos sa mamamayang Filipino.