Bahala na ang Kongreso – DICT

Umaasa ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na reresolbahin nang patas sa Kongreso ang isyu hinggil sa balidad ng prangkisa ng pangatlong telecommunications player sa bansa.

Sa pahayag ng DICT, pinananatili ng kagawaran ang kanilang layuning maging transparent at legal na proseso para sa pagpasok ng bagong pangunahing player sa public telecommunications market.

“The DICT is trusting the wisdom of the Congress to decide on the validity of Mislatel’s franchise. We are confident that our representatives from both Houses would keep the public interest in mind in resolving the matter,” ayon sa opisyal na kalatas ng ahensiya noong Sabado.

Naungkat ang balidad ng prangkisa ng Mindanao Islamic Telephone Co. Inc. (Mislatel) sa ginawang hearing ng Senate committee on public service noong Huwebes.

Kinuwestiyon ni Senadora Grace Poe, chair ng nasabing komite, kung bakit hindi agad nakita ng National Telecommunications Commission (NTC) ang isyu ng balidad sa prangkisa ng Mislatel.

Sinabi naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na nilabag ng Mislatel ang kondisyon ng kanilang pribilehiyo sa kabiguan nitong mag-operasyon makalipas ang isang taon nang makuha ang congressional approval ng kanilang prangkisa noong 1998.

“The department is ready to accept the decision of the Congress on the issue of the new major player and act accordingly to make sure that the Filipinos get a third player that they deserve, may it be Mislatel or another,” dagdag pa ng DICT.

Samantala, nangako naman ang Mislatel consortium na kokompletuhin ang kanilang post-qualification requirements upang makuha ang kanilang certificate of public convenience and necessity (CPCN).

Binigyan sila hanggang Pebrero 17 para mapadalhan ang NTC ng kopya ng kanilang business plan, authentication/consularization ng mga foreign document at roll out plan.

“Despite legal and technical hurdles, the DICT remains optimistic that it will soon deliver its promise of a competitive telecommunications industry to the public,” sabi pa ng ahensiya.

Binubuo ang Mislatel consortium ng Udenna Corp. at Chelsea Logistics Holdings Corp. na pawang pag-aari ng Davao tycoon na si Dennis Uy, kilalang malapit na kaibigan ni Pangulong Rodirigo Duterte, at ang state-owned China Telecom.

Idineklara ng DICT ang Mislatel bilang provisional major player sa telecommunications industry noong Nobyembre 7 ng nakaraang taon. Gayunman, kuwestiyonable ang naging desisyon ng ahensiya nang ibasura ang petisyon ng mga natalong bidder na PT&T at Sears Telecom na pag-aari naman ni dating Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson.