63 senatoriables, aprub sa Comelec

Umabot lang sa 63 kandidato mula sa mahigit 200 indibidwal na nagsumite ng certificate of candidacy para pagka-senador ang pinahintulutan ng Commission on Elections (Comelec) sa nalalapit na midterm elections sa Mayo 13.

Ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, mas maraming kandidato silang inaprubahan ngayon kaysa 50 para sa pagka-senador noong 2016 elections.

“The certified list of candidates actually has 76 names, but 13 of them would be stricken off the list, should a certificate of finality be issued,” pahayag ni Jimenez.

Idinagdag pa ni Jimenez na 134 party-list organizations ang nagparehistro para sa susunod na halalan. Noong 2016 polls, 115 party-list groups lamang ang pinahintulutan ng komisyon.

Kabilang sa 63 kandidato ang reeleksiyonistang si Senador Aquilino Pimentel III at dating Senador Sergio Osmeña III kahit na may nakabinbin pa silang mga isyung pang-eleksiyon.

Nahaharap si Pimentel sa kasong diskuwalipikasyon na isinampa nina Atty. Ferdinand Topacio at dating Representative Glenn Chong.

Ayon sa mga petitioner, lalabagin ni Pimentel ang probisyon ng Konstitusyon na naglilimita sa termino ng isang senador.

Noong 2007 elections, tinalo si Pimentel ni Senador Juan Miguel Zubiri ngunit nagsampa siya ng kaso sa Senate Electoral Tribunal nang mabiktima ng “Dagdag-bawas” at naluklok naman sa puwesto bago matapos ang termino ni Zubiri.

Sinabi nina Topacio at Chong na unang termino na ni Pimentel ang hindi tinapos na panunungkulan ni Zubiri at nagsimula ang kanyang ikalawang termino nang manalo sa reeleksiyon noong 2013.

Subalit kinuwestiyon naman ni Pimentel ang kabagalang mag-isyu ng desisyon ng Comelec upang maresolba na ang kanyang disqualification case gayundin ang pag-iimprenta nito ng mga balota.

“Laging sinasabi ng Comelec na mayroon silang timetable. But if we look closely, napakatagal na ng delay. Dapat noon pang Disyembre na-resolve ang mga disqualification cases. Pati ang commitment nilang ma-print ang mga balota delay din, dapat noon pang January 22 nagsimula,” pahayag ni Pimentel.

Sa kaso naman ni Osmeña, diniskuwalipika siya ng Comelec dahil sa kabiguang magsumite ng kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) noong 2013 at 2016 senatorial race. Subalit nag-aapela pang kasalukuyan si Osmeña.

Kung maiimprenta na ang mga balota, ikokonsidera ng Comelec na stray votes ang lahat ng botong makukuha ng isang diskuwalipikadong kandidato.

Kasama naman sa mga aprubadong kandidato ng Comelec bukod kay Pimentel ang mga reeleksiyonistang sina Grace Poe (independent), Cynthia Villar (Nacionalista Party), Sonny Angara (Laban ng Demokratikong Pilipino), Nancy Binay (United Nationalist Alliance), JV Ejercito Estrada (Nationalist People’s Coalition) at Benigno “Bam” Aquino IV (Liberal Party).

Kabilang sa magtatangkang makabalik sa Senado sina Ramon “Bong” Revilla Jr. (Lakas-CMD), Pia Cayetano (Nacionalista Party), Juan Ponce Enrile (Pwersa ng Masang Pilipino), Mar Roxas (Liberal Party), Jinggoy Estrada (Pwersa ng Masang Pilipino), Lito Lapid (Nationalist People’s Coalition) at Osmeña (independent).

Matapos matalo sa nakaraang halalan, muling susubukan nina dating Interior and Local Government Secretary Raffy Alunan (Bagumbayan Volunteers for New Philippines), Presidential Adviser on Political Affairs Francis Tolentino at dating Bayan Muna partylist Congressman Neri Colmenares (Makabayang Koalisyon ng Mamamayan) para sa pagka-senador sa Mayo 13.