Gaming firm ni Uy, aprubado ng SEC

Inaprubahan ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang P18.5-billion follow-on offering ng PH Resorts Group Holdings Inc. (PHR), na isang gaming business firm ng Davao tycoon na si Dennis Uy.

Base sa registration statement na isinumite sa SEC, balak ng PHR na ialok ang 2.054 billion common shares na nasa maximum price na P9 per share.

Kasama sa base offer ang 1.786 billion shares subalit nakalaan naman ang 267.94 million shares para sa anumang stabilization-related option.

Nakapasok ang PHR sa lokal na stock exchange sa pamamagitan ng Philippine H2O Ventures Corp. (H2O).

Gagamitin ang pagkakakitaan nito para mapondohan ang disenyo, konstruksiyon at pagpapaganda sa first phase ng The Emerald sa Cebu at Clark Resort sa Pampanga gayundin ang pagpapalaki ng Donatela Hotel sa Palawan.

Tinatayang nasa 90 porsiyento ng share ng kompanya ang pag-aari ng Udenna Corp. ni Uy.

Matatandaang iginawad noong nakaraang taon ng Department of Information, Communications and Technology (DICT) ang provisional right sa Udenna Corp. upang magsilbing third telecommunication company sa bansa.

Subalit kasalukuyang binubusisi ng Senado ang sinasabing kuwestiyonableng desisyon ng DICT nang ibasura ng kagawaran ang apela ng dalawa pang diniskuwalipikang bidder na PT&T at Sear consortium.

Ginamit ni Uy at ng kasosyong China Telecommunication Corp. ang Mindanao Islamic Telephone Corp. (Mislatel) Group bilang franchise holder.

Sa katatapos na senate hearing noong Huwebes, ibinulgar ni Senador Franklin Drilon na hindi kailanman nakapag-operasyon ang Mislatel simula nang bigyan ng permit ng National Telecommunicatons Commission noon pang 1998 kaya revoke na aniya ang karapatan nitong mag-operate.

“It is very clear that the Mislatel’s franchise, at the very least, is of doubtful validity,” sabi ni Drilon.

Kilalang malapit na kaibigan ng Pangulong Rodrigo Duterte si Uy at nagbigay pa ng pondo para sa pangangampanya nito noong 2016 Presidential election.