Inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang P3.757 trilyong 2019 national budget kaya inaasahan na ang pag-convene ng Senado at Kamara para sa bicameral conference committee upang ma-reconcile ang mga tinututulang probisyon mula sa kanilang bersiyon ng budget bill.
Partikular na tatalakayin ang pagtanggal ng P75 bilyon mula sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na idinagdag ng Department of Budget and Management (DBM) nang hindi ipinabatid sa DPWH.
Nabatid na 14 na senador ang bumoto pabor sa panukalang budget, sina Sen. Sonny Angara, Bam Aquino, Senate Minority Leader Franklin Drilon, JV Ejercito,Win Gatchalian, Risa Hontiveros, Panfilo Lacson, Loren Legarda, Grace Poe, Ralph Recto, Joel Villanueva, Cynthia Villar, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Senate President Vicente Sotto III.
Walang pagtutol at agad na inaprubahan sa plenaryo ang committee amendments na inilahad ni Senate Committee on Finance chairman Legarda.
Magugunitang sinertipikahang ‘urgent bill’ ang nasabing panukala kung saan ay isinasantabi ng Senado ang three-day rule na nagre-require ng 72 oras bago aprubahan para sa ikatlo at huling pagbasa.
Kaugnay nito, idinetalye naman ni Lacson kung paano inilipat ng kasalukuyang liderato ng Kamara ang pork barrel ng sinundang pamunuan para naman sa budget ng mga kaalyado nito.
Inilarawan pa ito ni Lacson bilang “pork to pork” alignment.
Partikular na tinukoy ni Lacson ang P75 bilyong idinagdag sa DPWH nang hindi alam ng kagawaran.
Sa budget deliberations, ipinatapyas ni Lacson ang dagdag na pondo sa DPWH at inilagay naman sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Sa pagtunton ni Lacson, natuklasan na ang P75 bilyon ay hinati-hati na ng Kamara sa 297 miyembro nito na mayroong tig-P60 milyon habang ang P31 bilyon ay inilagay sa local government support fund, farm to market road projects, at iba pang pet projects ng mga mambabatas na kaalyado ni House Speaker Gloria Arroyo.
“Ang naiwan lang sa DPWH, pitong bilyong piso. ‘Yun ang kinapa namin and we found out na meron ngang mga lumobo from allocations to some congressmen allied with the former leadership. Napunta na ngayon sa mga congressmen na allied naman sa new leadership,” ani Lacson.
Tinukoy pa ng senador na malaking bahagi nito ang napunta sa Pampanga, Camarines Sur, Surigao del Sur, at Bohol.
“Most probably si Butch Pichay. And then may napunta sa Bohol, so most probably kay Art Yap. So ito naman yung malalapit naman sa bagong liderato,” dagdag nito.
“That’s what I described as pork to pork realignment. So nanggaling sa pork from the previous leadership, napunta sa pork sa bagong leadership. We want to correct that,” pahayag pa ng senador.
Ipinaalala ni Lacson na kahit may kapangyarihan ang Kongreso na amyendahan ang panukalang budget, dapat itong gawin nang may konsultasyon sa DPWH.
Sa ngayon, aniya, ang P75 billion adjustment sa DPWH ay hindi na matunton.
“Hindi ninyo na makilala, beyond recognition na ‘yung P75 billion. We can only find it in the GAB (General Appropriation bill) 2, or the House version that was transmitted to the Senate,” diin ni Lacson.