Pag-isyu ng working visa sa mga Pinoy, sinuspinde ng US

Hindi na makakakuha ang mga Filipino ng dalawang working visa hanggang sa Enero 18 ng susunod na taon sa US Department of Homeland Security (DHS) dahil sa pangambang dulot ng human trafficking at overstaying.

Mula sa inisyung paalala nitong weekend, inalis ng DHS ang Pilipinas mula sa talaan ng mga bansang maaaring makakuha ng H-2A/H-2B work visas.

Nakahanda naman ang Department of Foreign Affairs (DFA) na makapag-areglo ang Pilipinas sa Estados Unidos upang matugunan ang mga isyu.

Hindi rin nabahala ang Malacañang sa kagustuhan nitong mag-apela subalit ipinaubaya na lamang sa DFA na makipag-ayos sa US embassy.

Gayunman, nais ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na mapatunayan munang mabuti kung may basehan ang ginawang desisyon ng Estados Unidos.

“If we can see that there is no basis, then we will ask for a reconsideration – but that’s the job again as I said of DFA and the US ambassador. Now, with respect to this particular issue, let us wait and let us have the DFA as well as the ambassador to the US take care of that initially, because that’s their turf,” sabi ni Panelo.

Inihahatag ang H-2A visas sa mga foreign agricultural workers sa Estados Unidos habang ibinibigay naman ang H-2B visas sa mga skilled at unskilled workers. Nagsimula ang restriksiyon nitong Enero 19.

“In FY 2017, DHS estimated that nearly 40 percent of H-2B visa holders from the Philippines overstayed their period of authorized stay,” pahayag ng DHS sa inilabas nilang paalalang inilimbag ng Federal Register.

Kasama ng Pilipinas na natanggal sa talaan ang Dominican Republic at Ethiopia.

“DHS and DOS (Department of State) are concerned about the high volume of trafficking victims from the Philippines who were originally issued H-2B visas and the potential that continued H-2B visa issuance may encourage or serve as an avenue for future human trafficking from the Philippines,” ayon pa sa DHS.

“The Philippines’ continued inclusion creates the potential for abuse, fraud and other harm to the integrity of the H-2A or H-2B visa programs,” dagdag pa ng ahensiya.

Pinaalalahanan naman ng DFA ang mga Filipino nasa abroad, lalo na ang nasa Estados Unidos, na sundin ang immigration rules at iwasan ang overstaying.