Andaya nag-resign bilang House Majority leader

Binitiwan na ni Rep. Rolando Andaya Jr. ang kanyang posisyon bilang House majority leader subalit siya naman ngayon ang mamumuno sa makapangyarihang House committee on appropriations.

Sa pagbaba ni Andaya sa posisyon, inendorso naman niya bilang kapalit si House Deputy Speaker Fred Castro, isang beteranong mambabatas mula Capiz, na buong-pusong tinanggap naman ang alok.

Si Castro ang lider ng National Unity Party na nakipag-alyansa sa super majority coalition sa Kamara.

Dating pinamumunuan ang appropriations committee ni Davao City congressman Karlo Alexei Nograles, anak ni dating House Speaker Prospero Nograles, na iniluklok naman bilang Secretary to the Cabinet ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Nobyembre ng nakaraang taon.

Sa kanyang talumpati sa plenaryo, sinabi ni Andaya na tinanggap ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang kanyang pagbitiw at pinahintulutang igiya ang pagpapasa ng nabinbing 2019 national budget.

“I have been given orders: from the [general headquarters] to the frontlines. I volunteered for this mission, knowing fully well that the place of honor is in the frontlines,” sabi ni Andaya.

Gumawa ng mosyon sa plenaryo si Andaya, na inaprubahan naman ng mga mambabatas, para ma-turnover ang probe ng joint rules and public accounts committee sa multibillion-peso flood fund scam sa kanyang bagong komite na House appropriations committee.

“If transparency and accountability in the [General Appropriations Act] will be my only legacy as House leader, so be it. I will push for full transparency in the bicam deliberations. If need be, I will propose televised proceedings of the bicameral conference,” ani Andaya.

Si Andaya ang nanguna sa pagbusisi ng Kamara sa sinasabing flood fund scam at budget insertions na ginawa ni Budget Secretary Benjamin Diokno.

Inakusahan niya ring muli si Diokno ng panibagong insertion sa pamamagitan ng pagrebisa sa implementing rules and regulations ng Government Procurement Reform Act para magawang isang super-bidding body ang DBM.

Samantala, dumistansiya naman ang Malacañang sa desisyon ni Andaya na bumaba bilang House majority leader at pinayuhang tumigil na sa paggawa ng media propaganda war laban kay Diokno.

“Now that Camarines Sur 1st District Rep. Rolando Andaya Jr. formally yielded his post, we call on him to cease from waging a media propaganda war to besmirch the image and reputation of a member of the Cabinet before the court of public opinion,” pahayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.

Pinayuhan pa ni Panelo si Andaya na magtungo na lamang sa hukuman kung may problema siya kay Diokno. Binati rin Panelo si Castro at umaasang higit na magiging maganda ang relasyon ng Executive at  Congress sa ilalim ng kanyang pamumuno.